Magandang balita para sa mga mananakay dahil nagsimula na nitong Huwebes, Abril 21, ang libreng sakay na may rutang North Luzon Express Terminal-Araneta Center Cubao (NLET-Cubao) at NLET-PITX (Parañaque Integrated Terminal Exchange) (Route 39).
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ito ng Service Contracting Program Phase 3 ng pamahalaan.
Nabatid na nagsisimula ang unang biyahe sa naturang ruta dakong ala-1:00 ng madaling araw at nagtatapos dakong alas-12:00 ng hatinggabi.
“Para sa mga pasahero na patungo at palabas ng Metro Manila sa pamamagitan ng NLET, tinitiyak ng ahensya ang maayos at sapat na bilang ng mga pampublikong sasakyan para sa maayos at ligtas na pagbiyahe ng bawat mananakay,” anang DOTr at LTFRB.
Tiniyak rin nito na tuluy-tuloy pa rin ang pagseserbisyo ng libreng sakay sa EDSA Busway Carousel tuwing alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-11:00 ng gabi.
Patuloy pa ring nagseserbisyo ang mga operator at driver sa mga ruta na kalahok sa programa sa iba't ibang rehiyon sa bansa.
Anang DOTr at LTFRB, asahan na rin ang pagbubukas pa ng mga karagdagang ruta at pag-arangkada ng mga karagdagang Public Utility Vehicle (PUV) para sa libreng sakay sa buong bansa sa mga susunod na araw.
Ang Service Contracting Program ay inilunsad ng pamahalaan sa layuning matulungang kumita ang mga operator at driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic at patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Nabatid na sa pamamagitan ng programa ay babayaran ng gobyerno ang mga kalahok nitong drivers, base sa bilang ng biyahe na kanilang itinakbo kada linggo.
Samantala ang mga Healthcare Workers (HCW) at Authorized Persons Outside of Residence (APOR) ay naseserbisyuhan rin sa pamamagitan ng libreng sakay.
“Para sa mga karagdagang impormasyon, regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page o maaaring tumawag sa LTFRB Project Implementing Unit Office - (02) 8529 - 7111 loc 845, loc 837, o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342,” anang DOTr. “Tara na sa biyahe tungo sa mas #PinahusayNaPasada!”