Ibinahagi ni presidential candidate Ka Leody De Guzman ng Partido Lakas ng Masa na ligtas at maayos naman siyang nakauwi sa kanilang bahay, matapos ang insidente ng pamamaril sa kanila sa Quezon, Bukidnon noong Martes, Abril 19, nang bumisita sila sa lupain ng mga tribong Manobo-Pulangihon.

Ayon kay Lt. Col. Michelle Olaivar, public information officer ng Philippine National Police Regional Office 10, naganap ang pamamaril dakong 12:20 ng hapon, mula sa mga security guard ng lupain. Kasama ni De Guzman ang kaniyang senatorial aspirants na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo, gayundin ang farmer organizer na si Nannie Abella, na nabaril naman sa bandang dibdib. Nagtungo ang grupo doon dahil inireklamo ng tribo ang landgrabbing sa kanilang ancestral land.

Ligtas naman si Ka Leody at agad na nagbigay ng update sa pamamagitan ng tweets.

"Inirereklamo ng naturang tribo ang landgrabbing sa kanilang ancestral land. Naiulat na may ilang tinamaan sa insidente, kasama ang lokal na organizer ng mga magsasaka at lider ng mga Manobo-Pulangiyon," saad ni Ka Leody bandang 12:52 PM, ilang minuto matapos ang insidente.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

https://twitter.com/LeodyManggagawa/status/1516278572549558274

Narito pa ang kaniyang tweets:

"Sana ay ligtas ang mga tinamaan ng bala sa pag-atake sa ating aktibidad kanina. Tuloy ang laban!"

"Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito. Ngunit ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit."

"Kapayapaan sa Mindanao! Igalang ang karapatan ng mga indigenous people at Bangsa Moro."

"Salamat sa mga nag-alala. Ako po at sila kasamang Roy Cabonegro at David D'angelo ay ligtas."

"Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon."

"Hindi man takot ang mga naghahari-harian sa isang labor leader na gaya ko pero ang klaro ay mas malaki pa sa akin ang ating laban at doon dapat sila matakot - sa kapangyarihan ng nagkakaisang masa. Tuloy ang ating laban!"

"Binabalaan ko ang mga naghahari-harian sa kanilang pag-abuso, ngayon na mayroong nang pambansang atensyon sa laban ng Manobo-Pulangiyon at iba pang IP struggles."

Nitong Abril 20, ibinahagi ni Ka Leody na nakauwi na siya sa kanilang bahay at sinalubong siya ng kaniyang 'Darleng'.

"Ano, buhay ka pa?" pabirong bati ng misis matapos niyang hagkan ito sa pisngi.

"Oo naman. May anting-anting," sagot ni Ka Leody.

https://twitter.com/LeodyManggagawa/status/1516718419047219200

Sa kasalukuyan ay gumugulong pa rin ang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente ng pamamaril.