CAMP DANGWA, Benguet – Anim ang naiulat na nasawi at dalawa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan sa Besao, Mt. Province nitong Huwebes ng hapon.
Sinabi ni Capt. Marnie Abellanida, deputy regional information officer ng Police Regional Office-Cordillera, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng anim na namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Sugatang isinugod sa Besao District Hospital ang dalawa pang pasahero, ayon sa pulisya.
Sa paunang report ngBesaoMunicipalPolice Station, tinatahak ng isang Tamaraw FX ang mabanging kalsada sa Sitio Bunga, Barangay Calengan, lulan ang walo-katao, kabilang ang driver, nang biglang dumiretso ito sa bangin dakong 4:00 ng hapon.
Agad na nagresponde ang mga tauhan ng Besao Municipal Police station, Philippine Army, Besao Municipal Disaster Risk and Reduction Management Council sa lugar.
Unang nailigtas ang dalawang katao na grabeng sugatan at agad na isinugod sa ospital at ang anim na iba ay idineklarang dead on the spot dahil sa matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
“Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa sanhi ng aksidente at masusing inaalam pa ang mga pagkakakilanlan ng mga nasawi,” pahayag pa ni Abellanida.