Sinupalpal ni Mothers for Change Partylist first nominee Mocha Uson ang kamakailang pahayag ng aktres na si Toni Gonzaga sa aniya’y pagbabalik ni Bongbong Marcos Jr. sa tahanan nito, ang Malakanyang.
“Gusto ko lang magkomento dito sa sinabi ni Toni Gonzaga. Alam mo ma’am, hindi maganda ‘yang sinasabi niyo. Napaghahalataan na wala kayong alam sa public service,” bungad na pahayag ni Uson sa isang Tiktok video, Miyerkules, Abril 20.
“Kaunting-kaunting panahon na lang, babalik na si BBM sa kaniyang tahanan — ang Malacañang ,” matatandang pahayag ng dating Pinoy Big Brother (PBB) host sa harap naganap na grand rally ng partido sa Cebu noong Lunes, Abril 18.
Pagtulol ni Uson, “Si Pangulong Duterte nga po, sinasabi niya na ang Malakanyang ay kanya lamang opisina at hindi po niya ito tahanan. Ito ay pag-aari ng taumbayan,” ani Uson.
Tila sunod na nagbalik naman ng kasaysayan ang aminadong die-hard Duterte supporter (DDS) sa naging diktaturya ng ama ni Marcos Jr. noong 1970s.
“Para sabihin mo na babalik na sa kanyang tahanan si Marcos ay parang sinabi mo na rin po na diktador ang kanilang pamilya na ginawa lang na tahanan ang Malakanyang noon. Umali lang saglit at ngayon babalik muli para angkinin ito,” saad ni Uson.
Muli niyang paalala sa pagtatapos ng video, “Ang Malakanyang ay pag-aari ng bawat Pilipino. Ito ay opisina lamang ng public servant ng ating bayan. Sana po ma’am, matuto kayo sa mga sinasabi niyo sa sinasabi ni Pangulong Duterte.”
Kaugnay na balita: Mocha Uson, naniniwalang ‘weak, spoiled at may bagahe’ si BBM: ‘Bakit ako magbi-BBM?’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Unang ‘nanirahan’ ang pamilya Marcos sa Palasyo noong maging pangulo ng bansa si dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. mula 1965 hanggang 1986.
Nitong Martes, naging trending topic ang actress-host kasunod ng kontrobersyal na pahayag.
Wala pang reaksyon si Toni sa ingay na ginawa ng kanyang pahayag sa social media.