Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko ngayong tag-init na bantayan ang kalusugan upang maiwasan ang heat stroke at iba pang sakit na dulot ng mainit na panahon.
Ayon sa mga eksperto, kapag ang heat index ay umabot sa 27° Celsius hanggang 32°C, maaari itong maging sanhi ng fatigue at heat cramp at kapag umabot naman ang heat index ng 32°C hanggang 41°C, puwede na itong maging sanhi ng heat stroke.
Pinapayuhan din ng ahensya ang publiko na mainam na magsuot ng mga light colored o hindi matitingkad na kulay, gumamit ng payong bilang panangga sa matinding sikat ng araw, at uminom ng maraming tubig.
Pinaiiwas din ang publiko na magbilad upang hindi ma-heat stroke.
Kapag nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka, mabilis na pagtibok ng puso, at hirap sa paghinga, mabuting humingi ng tulong sa kinauukulan para agad na mabigyan ng atensyong medikal.