Hinimok ng election watchdog group na "Kontra Daya" ang Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang posibleng kaso ng election-related violence sa Bukidnon.
Sa pahayag ng Kontra Daya sa kanilang Facebook page, sinabi nito na dapat tingnan ng poll body ang sinasabing insidente noong Abril 19 sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon batay sa video na ipinost ni Leody de Guzman, isang kandidato sa pagkapangulo.
Ayon sa Kontra Daya, ang pangyayaring ito ay hindi katanggap-tanggap at nararapat lamang na imbestigahan ng Comelec na naka-base sa inisyal na impormasyong ibinahagi sa verified Facebook page ni de Guzman.
Nasa pakikipagpulong si de Guzman sa tribong Manobo-Pulangiyon nang magpaputok ng bala.
Samantala, kinondena rin ni Comelec Commissioner George Garcia ang insidente ng pamamaril sa Bukidnon kung saan dalawang tao ang nasaktan.
"This is a cowardly act that should be condemned by peace-loving Filipinos," ani Garcia sa isang pahayag.
"If this is an election-related incident, count the Comelec in to use all our powers to get to the bottom of this and hold accountable the culprits and face the full force of the law," dagdag pa nito.
Matatandaan na ayon isang flash report ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Martes, ilang lokal na residente ng Brgy. Butong Quezon, Bukidnon Province ang sugatan matapos ang insidente.
BASAHIN: Pagtitipon nila Ka Leody sa Bukidnon Province, nauwi sa pamamaril — PLM
Kasama rin umano sa pagtitipon ang senatorial candidates ni Ka Leody na sina Roy Cabonegro, David D’Angelo , at mga lider ng mga Manobo-Pulangiyon.