Ibinasura na ng Commission on Elections (Comelec) ang huling disqualification case na inihain laban kay dating senador at presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“WHEREFORE, premises considered, the instant Petition, is hereby DENIED for LACK OF MERIT,” anang desisyon ng Comelec First Division na ibinahagi sa media nitong Miyerkules.
Ang desisyon ay nilagdaan nina Comelec Commissioners Socorro Inting, Aimee Ferolino, at Aimee Torrefranca-Neri.
Ang ibinasurang petisyon ay inihain ng Pudno Nga Ilokano (Ang Totoong Ilokano) bunsod ng umano'y pagka-convict ni Marcos sa tax-related cases noong 1995.
Kabilang din sa petitioners sina Margarita Salonga Salandanan, Crisanto Ducusin Palabay, Mario Flores Ben, Danilo Austria Consumido, Raoul Hafalla Tividad, Nida Mallare Gatchallan, at Nomer Calulot Kuan.
Mary Ann Santiago