Matapos ang kontrobersyal na isyu sa pagitan nina Megastar Sharon Cuneta at senatorial candidate Salvador Panelo dahil sa awiting 'Sana'y Wala Nang Wakas', nagmungkahi naman ang kandidatong senador na si Robin Padilla na magkaroon ng concert ang dalawa, para sa kapakanan ng mga 'children with special needs'.

Sa kaniyang Facebook post noong Abril 18, nanawagan si Robin kay Vic Del Rosario, may-ari ng Viva Records at Viva Films, kung posible kayang maisakatuparan ito. Noong Easter Sunday, Abril 17, lumabas na ang official music video ng version ni Panelo ng naturang awitin, na mapapanood sa YouTube channel nito.

"Ano kaya tatay boss Vic ng Viva Films, isang concert sa pagitan ni kambal mam Sharon Cuneta Pangilinan at ni sir sec Salvador 'Sal Panalo' Panelo para sa mga special children at maging hudyat na kilusan ng mga senador at magiging senador na makagawa ng panukalang batas para sa kapakanan ng mga batang may special needs," saad ni Robin sa kaniyang FB post.

Sa comment section, tumugon naman si Sal Panelo at game siya sa ideyang ito.

"Game ako d'yan Senator Robin! Maraming salamat sa suporta mo!" komento ni Panelo.

Tumugon naman dito si Robin, "Salvador "Sal Panalo” Panelo Ikaw po ang senador ko po."

Samantala, wala pang tugon o reaksyon dito sina Megastar at Boss Vic.