Hindi pa rin matutuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga public utility vehicles (PUVs) dahil wala umanong pirma ang natanggap nilang kopya ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapahintulot na maaari nang ituloy ang implementasyon ng programa.
Sa isang panayam sa telebisyon, nilinaw ni LTFRB Executive Director Tina Cassion, may natanggap na silang kopya ng desisyon ng Comelec.
Gayunman, nagtataka sila kung bakit wala itong pirma na batayan na sana nila upang tuluyan nang maipamahagi ang subsidiya.
Ito aniya ang dahilan ng Land Bank kaya hindi maipalabas ang pondo para sa programang pakikinabangan ng mga driver ng taxi at UV Express, at delivery rider sa gitna ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
Mahigit dalawang linggo na aniya nang ilabas ng Comelec ang desisyon na nagbibigay na ng go-signal sa LTFRB na ipatupad na ang fuel subsidy distribution.
"Magiging official lang ang isang dokumento kapag ito ay pirmado.Medyo legalistic. Siyempre, kailangan po kasi 'yan sa Commission on Audit na may sapat na legal basis," sabi nito.
Aabot pa lang sa 111,000 ang nabigyan ng nasabing subsidiya at wala pa ito sa kalahati ng 377,000 na benepisyaryo.