Ayon isang flash report ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Martes, ilang lokal na residente ng Brgy. Butong Quezon, Bukidnon Province ang sugatan matapos ang insidente ng pamamaril sa pagtitipon nila Presidential aspirant Ka Leody De Guzman.

Kasama rin umano sa pagtitipon ang senatorial candidates ni Ka Leody na sina Roy Cabonegro, David D'Angelo , at mga lider ng mga Manobo-Pulangiyon.

"Inirereklamo ng naturang tribo ang landgrabbing sa kanilang ancestral land. Naiulat na may ilang tinamaan sa insidente, kasama ang lokal na organizer ng mga magsasaka at lider ng mga Manobo-Pulangiyon," mababasa sa pahayag ng PLM.

Bago nito, sa naunang Facebook post ni Ka Leody higit 12 oras ang nakalipas, makikitang nakipagpulong pa ang kandidato sa Indigenous Peoples (IPs) para sa nabanggit na isyu kaugnay ng tangka umanong pangangamkam ng lupain sa mga katutubo.

Wala pang karagdagan na impormasyon kaugnay ng insidente.