Iginiit ni Senate President Vicente Sotto III na hindi niya susuportahan ang mga panawagan para sa sinumang presidential aspirant na umatras sa karera bago ang pambansang halalan sa Mayo 9.
"Wala akong sinusuportahan na mag-withdraw, kahit sino," aniya sa mga mamamahayag sa ilang sandali bago magbigay ng talumpati sa okasyon ng ika-145 na anibersaryo ng kapanganakan ng kanyang lolo.
Naglabas rin si Sotto ng pahayag upang linawin ang umano'y tunay na intensyon ng press conference ng apat na presidential candidate noong Linggo, Abril 17, na dinaluhan naman niya.
Itinanggi niya ang mga ulat na sina Senador Panfilo Lacson at Manny Paquiao, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay nanawagan sa kapwa nila kandidato sa pagkapangulo, si Vice President Leni Robredo na umatras sa karera.
Sinabi ng Senate President na nanawagan ang apat na kandidato para sa press conference para maglabas ng joint statement na walang kinalaman kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o Robredo.
"… they are not withdrawing, they are calling people to stop speculating, that they will bind together to fight anything that will subvert clean, honest, and orderly election," ani Sotto.
Dagdag pa nito, ang mga pahayag ni Isko na nananawagan sa bise presidente na umatras sa pagkapangulo ay pawang sariling intensyon niya.
"Walang kinalaman sina Gonzales at Ping dun," paglilinaw niya.
Matatandaan na noong Abril 17, nanawagan si Isko kay Robredo na gumawa ng "supreme sacrifice" habang hinihimok niya itong bawiin ang kanyang kandidatura.