Nanawagan na si presidential candidate, Senator Manny Pacquiao kay Russian President Vladimir Putin na itigil na ang paglusob sa Ukraine.

“I’m requesting to Putin to stop this violence, war. Sayang 'yung mga buhay ng mga tao,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng isang online news website.

Pagbibigay-diin ng senador, hindi solusyon ang giyera at sa halip ay daanin na lamang ito sa diplomatikong pag-uusap.

“Kapag sinabi mong war, 'pag nasira ang lahat, it will take 200 to 500 years para maka-recover. Can you imagine? Binuild natin nang ganito ang world, ang bansa natin tapos sisirain natin in split second. Pag-usapan natin ang prob. Ang war hindi solution yan kasi buhay sa buhay yan eh,” paglilinaw nito.

Sa datos aniya ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNCR), aabot na sa 4.9 milyong mamamayan ng Ukraine ang tumakas sa kanilang bansa upang maghanap ng kanlungan sa mga karatig-bansang kinabibilangan ng Poland at Romania.

Dahil aniya sa giyera ay nagkaroon ng humanitarian crisis kung saan apektado ang milyun-milyong mamamayan ng Ukraine.

Naiulat na tinatayang aabot sa 200,000 na empleyado ang nanganganib na nawalan ng trabaho sa Russia dulot ng ibinabang economic sanctions laban sa Moscow na sanhi ng paglusob ng militar nito.

Pinaalalahanan din nito ang Pilipinas na huwag nang kumampi at sa halip ay payuhan na lamang ang dalawang bansa para sa ikareresolba ng hidwaan.