Kaugnay pa rin ng panawagang '#WithdrawLeni' at iba pang mga isyu hinggil sa halalan, ibinahagi ng showbiz columnist at certified Kakampink na si Ogie Diaz ang lumang litrato ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo, mula sa lumang Facebook post nito noong Hulyo 10, 2015, nang magtungo ito sa bansang Brazil.
Makikita sa litrato na may hawak itong malalaking prutas na 'balimbing'.
"Pati pala dito sa Brazil, maraming balimbing," nakasaad sa caption ng naturang FB post.
Sey naman ni Ogie, "Tingnan nyo, o! Tinatawanan lang kayo ni VP Leni Robredo. Ayaw niya kayong patulan nang severe. Masyado n'yong pinahalata na may agenda kayo, eh."
Sa isa pang FB post, ibinida ni Ogie na maraming volunteers na nagtutungo sa Office of the Vice President o OVP sapagkat mas pinagkakatiwalaan umanong mapupunta sa mga recipient ang naturang mga donasyon.
"Yung iba bang kandidato, pinagtitiwalaan ng mga private sectors ng kanilang donation? Na-witness ko ang pila ng mga magbibigay sa OVP during pandemic. Eh kasi naman totoong nakararating sa mga nangangailangan," aniya.
Nagbigay rin ng komento si Ogie na 'natatangahan' umano siya sa ideya na si VP Leni umano ang pinupuntirya ng mga kalaban sa politika, gayong number 2 raw ito sa mga survey.