Sa Bicol ipinagdaos ng pamilya ng kambal na sina Paolo Benjamin at Miguel Benjamin Guico, bokalista ng Ben&Ben, ang nakalipas na Holy Week dahilan para masaksiksihan din nito ang “kalmado” at “payak” na pamumuhay ng bise-presidente.
Ibinahagi ni Paolo ang naging pakikisalamuha ng pamilya Robredo sa kanilang pagbisita sa tahanan nito sa Naga City sa Camarines Sur.
Unang napansin ng singer ang payak na tahanan ng mga Robredo na sa kanyang paglalarawan ay hindi nakapuwesto sa loob ng isang subdivision. Wala pa umano silang nadatnan na security para sa mag-iina sa lugar.
“’Yung itsura ng bahay nila, simple lang pero maganda. Tama lang yung laki. ‘Di marangya, di rin maliit. Tama lang. Pero matagal din daw nilang ipinundar, at pinag-ipunan. Parang tayo lang. ‘Yung hinanda nilang pagkain para sa’min, ganun din. ‘Di marangya pero pinaghandaan, at masarap,” pagbabahagi ni Paolo sa isang mahabang Facebook post noong Linggo, Abril 17.
Nang makasalo sa hapag-kainan ay lalo aniya nitong nakilala ang “kalmadong” pamilya.
“Nung una, nakausap ko yung magkakapatid na anak ni VP, tas nag-uusap lang kami tungkol sa buhay pati mga hobbies nila, kung san sila nag-aral, tsaka mga kwento na rin sa likod ng banda namin tsaka mga kanta na rin namin. Sobrang chill nila.
“Tapos, katabi ko si VP Leni, kumakain. Naririnig kong nag-uusap sila nila mama. Napansin ko, si VP Leni talaga yung lodi tita mong malalim at alam yung ginagawa niya sa buhay. Sobrang kalmado lang niya,” pagpapatuloy ni Paolo.
Sa kabila ng kalmadong postura, naramdaman din umano ni Paolo ang “tahimik na husay at galing” ng bise-presidente na mapapansin aniya sa talas ng mga detalye nito.
“Hindi lang dahil sa talas ng isip niya, pero mafifeel mo puso niya dahil sa husay niyang makinig. Yung mga detalye ng mga sinasabi ko, tanda pa niya, at may puso niyang inuulit. Ta’s di lang samin ah, pati sa bawat isa sa team/staff niya. Para silang malalim na magkakaibigan,” pagsasalaysay ni Paolo.
“Sa pakikipag-usap namin di lang sakanya, pero pati sa kanyang team, malalaman mong hindi lang grabe yung mga plano nila para sa Pilipinas, kundi yung puso nilang magsilbi, grabe rin. Buong buhay nila ganun. Bigay lahat sa serbisyo, buhos. Ta’s pagkatapos, uwi sa pamilya. Pahinga at enjoy. Simple, tapos,” dagdag ng mang-aawit.
“Sobrang kalmado” raw ni Robredo dahilan para mapatanong si Paolo ng, "Pano niyo kinakayang maging kalmado sa gitna ng kaguluhan nitong eleksyon?!"
“Narealize ko, baka simple lang. Pag totoo ka sigurong tao, at marangal yung pinaglalaban mo, kahit pa anong bigat ng dadalhin mo, payapa ka. Kalmado ka. Kahit pa tatakbo ka nang Presidente ng Pilipinas.
“Maliban dun, baka kalmado si VP Leni kasi kahanga-hanga yung tibay niya. Alam niya yung bigat ng kailangan niyang harapin, pero subok na siya ng panahon para harapin ito,” pagsagot din ni Paolo sa sarili nitong tanong.
Sa pagtatapos ng kanyang post, muling ipinunto ni Paolo ang ipinamalas na “kalmadong lakas” ng kababaihan sa pamilya ni Robredo.
Matatandaang iginiit kamakailan ni Robredo na target na maging ang kanyang mga anak para pahinain ang momentum ng kanyang kampanya.
“Malamang, isa lang ito sa di mabilang na kwento ng mga personal na engkwentro kasama si Ma'am Leni. Pero gusto ko siyang ishare sa inyo dahil sobrang passionate kami sa adhikaing 'to: wag na natin sayangin yung ganitong klaseng lider. Mahihirapan tayong makakakita ng ganitong klaseng taong tumatakbo hindi lang para sa bayan, kundi para sa bawat isa sa atin,” giit ni Paolo habang muling inendorso ang tandem nina Robredo at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan.
“Ang laban nila, laban natin.”