Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakitaan na rin nang pagtaas ng mga kaso ng dengue ang mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Itong dengue cases sa Region 2 (Cagayan Valley), Region 9 (Western Visayas), at saka sa CAR, nakikita natin na tumataas po. Meron ring kaunting pagtaas sa BARMM area kung saan we are closely monitoring,” ayon pa kay Vergeire, sa panayam sa radyo.
Noong nakaraang linggo, una nang sinabi ni Vergeire na nakitaan nila nang pagtaas ng dengue cases ang mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region.
Tiniyak naman ni Vergeire na masusi na nilang minomonitor at binabantayan ang mga naturang rehiyon.
Binigyang-diin din naman ni Vergeire na kahit tumaas ang dengue cases sa bansa, ang weekly reported dengue cases sa bansa ngayong taon ay mas mababa pa rin kumpara sa mga kasong naitala noong nakaraang taon.
Noong Abril 8, una nang nagdeklara ang Zamboanga City ng dengue outbreak matapos na pumalo sa 83 ang dengue cases doon, kabilang ang 11 binawian ng buhay, mula Enero 1 hanggang Abril 2.
Muli rin namang pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na maging maingat upang hindi dapuan ng dengue, na nakukuha sa kagat ng lamok.
Aniya maaaring sundin ang ipinaiiral nilang 4S strategy o yaong Search and destroy mosquito-breeding sites; Self-protection measures; Seek early consultation of symptoms; at Support spraying or fogging to prevent further outbreaks.