Naaresto ng Parañaque City Police ang apat na drug pushers at nasamsam ang 25 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng ₱170,000 sa isang anti-illegal drug operation sa Parañaque City nitong Abril 18.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Sunsodin Abuin Nulotan, alyas Kiram, male, 33; Alvin Sakatani Dalamban, 25; Rohanin Ungad Kali,22; Fatima Almira Delos Santos Abdulmari, 26, pawang residente sa Parañaque City. 

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU at Sub-Station 4 sa Vietnam St., Ninoy Aquino Ave., Brgy. San Dionisio, Parañaque City,dakong 5:20 ng gabi na nagresulta ng pagkakahuli ng apat na suspek.

Aabot sa 16 pakete na naglalaman ng 'shabu,' marked money at pouch ang nakumpiska ng awtoridad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pansamantalang nakapiit sa Parañaque City Police Station Custodial Facility ang apat na suspek at nakatakdang sampahan ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Matapos ang Mahal na araw ay tuloy tuloy ang ating mga hakbangin upang mapanatili ang kapayapaan dito sa ating nasasakupan, tuloy tuloy ang ating operasyon upang siguruhin na hindi tayo masasalisihan ng mga taong nasa likod ng pagtutulak ng illegal na droga sa ating nasasakupan, ang Southern Police District kasama ang Parañaque City Police ay patuloy na magbabantay upang siguruhin ang pamayanan na ligtas sa anumang masamang dulot at banta ng paggamit at pagtitinda ng illegal na droga,” sabi ni BGen. Macaraeg.