Kinapanayam ni Toni Gonzaga si dating senador at dating kalihim ng Department of Information and Communications Technology na si Gringo Honasan sa kaniyang award-winning talk show channel na 'ToniTalks' na umere ngayong Abril 18, 2022.

May pamagat itong "What Gringo Honasan Witnessed In The 1986 EDSA Revolution."

Sinimulan niya ang panayam sa pagpapakilala kay Honasan at sa mga achievement nito. Inamin ni Honasan na noong una, pinangarap niyang maging pari. Kaya lang, napagtanto raw niya na hindi naman umano kailangang magpari upang maglingkod. Pagkatapos ay ninais naman niyang maging doktor, kaya lang, hindi pumayag ang kaniyang ama na isang sundalo dahil malaking pera ang gugugulin nila para sa kaniyang matrikula. Kaya naman nagdesisyon na lamang siyang kumuha ng kursong Economics sa University of the Philippines.

Nakapasa naman siya sa Philippine Military Academy o PMA at sa awa ng Diyos ay nakapasa naman umano siya. 'Nainlove' naman daw siya sa military at kasabayan pa si dating Philippine National Police o PNP Chief, ngayon ay senador at presidential candidate na si Panfilo 'Ping' Lacson.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Sa kalagitnaan ng panayam ay tinalakay na ang mga karanasan ni Honasan sa 1986 EDSA Revolution. Inamin ni Honasan na ang bida talaga roon ay 'People Power'. Ipinaliwanag ni Honasan na kaya siya tumiwalag noon sa pamahalaan ay para sa pagbabago.

Naging madali raw ang 'People Power' subalit ang naging mahirap umano ay ang 'rebuilding' at 're-engineering' ng sistema.

"Kadalasan kasi, ang tinitingnan natin kung sino ang nagsasalita, pero dapat, ang tingnan natin kung ano ang sinasabi niya," wika ni Honasan nang mapadako sa pagiging 'ampon' niya sa UniTeam nina presidential candidate Bongbong Marcos, Jr. at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte.

"Kaya inampon ako, independent ako eh," wika ng re-electionist.

Natanong ni Toni kung sino raw ang binoto niya sa naganap na snap election sa pagitan nina dating pangulong Cory Aquino at dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Walang kagatol-gatol na sinabi ni Honasan na si Marcos ang kaniyang ibinoto. Nagmungkahi pa nga raw si dating pangulong Aquino na siya na lamang ang iboto, pero hindi niya ito magagawa dahil sundalo siya ng pamahalaan. Aniya pa, kabahagi ng pagiging demokratikong bansa ang pagkakaroon ng malakas na oposisyon upang may mapagpilian ang mga tao.

Bagama't sundalo sila ng pamahalaan, aminado rin umano si Gringo na sila rin ang isa sa mga naging dahilan kung bakit naging matagumpay ang pagpapataksil sa dating pangulong Marcos.

Naibahagi rin ni Honasan na ang orihinal na plano noon ay lusubin ang Malacanang, subalit hindi para saktan ang mga naroon, kundi upang makontrol ang mga nangyayaring sitwasyon at kaguluhan noon.

Nagkakaiyakan daw ang lahat ng mga sandaling iyon. Pero dulot lamang daw iyon ng kanilang pagiging proud sa kanilang ginawa; na kahit nanganib ang kanilang buhay, alam nilang ginawa nila ang bahagi nila para sa demokrasya.

Sunod na nauntag ni Toni, bakit daw maraming kudeta sa panahon ni Pangulong Cory. Sagot ni Honasan, masyado raw galit ang administrasyon sa pinalitan nitong administrasyon.

"Masyadong galit yung gobyernong pumalit… lahat ng may kinalaman remotely with the previous administration, masama," saad ni Honasan. "Di ba presidente ka na ng lahat ng Pilipino, kasama yung mga kalaban mo sa politika, kasama na siguro yung mga pinagdududahan… pumaslang sa asawa mo… which is never been resolved… pag ganoon siguro, you rise to the level of a states person… hindi ko hinuhusgahan si Mrs. Aquino… ang sinasabi ko lang, pag presidente ka na, parang sa South Africa, 'di ba," ani Honasan.

Kaya raw maraming kudeta noong panahon na iyon, imbes na magkaisa umano ang mga Pilipino ay naghati-hati lalo.

Naungkat din sa panayam ang pagkakabilanggo sa kaniya dahil sa naunsyaming kudeta noong 1987. Ikinulong umano siya sa isang barko. Aminado siyang marami siyang pagtakas na ginawa.

Mapapanood ang kabuuan ng panayam sa ToniTalks na habang isinusulat ito ay may 29,810 views na.