Bumisita ang aktres na si Angel Locsin kasama ang asawang si Neil Arce sa Baybay City sa Leyte para personal na makadaupang palad ang mga evacuees at mamahagi ng relief packs.

Muli na namang nagpamalas ng kanyang humanitarian service ang aktres at tinaguriang “Darna” sa totoong buhay ang Kapamilya actress na si Angel.

Sinadya ni Angel ngayong Lunes, Abril 18, ang Baybay City sa Leyte kung saan naiulat ang pinakamaraming nasawi ng kabi-kabilang pagguho ng lupa nang manalasa ang Bagyong Agaton sa Eatern Visayas.

Kasama ang asawang si Neil, nakadaupang-palad ng mga residente ang aktres na namahagi rin ng ilang relief packs.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Partikular na binisita ng aktres ang mga bakwit at survivors sa Baybay City Senior High School.

Sa mga larawang ibinahagi ng ilang residente sa social media, mahahalatang all-smile ang aktres, at masaya itong narating ang lungsod.

Game rin na nakipag-picture ang aktres sa mga residente sa lugar na makikita nang nakapaskil sa Facebook.

Ayon pa sa isang netizen, mensahe ng pagbangon ang inihatid din ni Angel sa lungsod lalo na para sa mga residenteng kabilang sa mga komunidad na nabura sa mapa dahil sa mapaminsalang landslide.

Hindi na bago para sa aktres ang magtungo sa mga lugar na sinalanta ng sakuna o kaguluhan, para personal na magpaabot ng tulong.

Samantala, sa pag-uulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 150 katao ang nasawi sa lungsod pa lang ng Baybay dahil sa pananalasa ni Bagyong Agaton.