Sa katatapos lang na Semana Santa, binigyang-daan ng Pamahalaang Lokal ng Las Piñas ang lalo pang pagpapalakas ng debosyon sa santong patron ng lungsod na si San Jose o Tata Hosep para sa pagpapatuloy ng "Dalaw Patron" na layuning ilibot ang replica ng higit 200 taong imahen nito sa lahat ng parokya sa Las Piñas at ng City Hall.
Ngayong araw ng Lunes, Abril 18, isinagawa ang pagdalaw ng replica ni Tata Hosep sa Las Piñas City Hall kung saan malugod na tinanggap ni Vice Mayor April Aguilar kasama ang hepe ng Public Information Office at Senior Tourism Officer, Ginoong Paul Ahljay M. San Miguel, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Pinangasiwaan naman ni Father Alven Salada ang daloy ng ritwal ng Dalaw Patron na naglalayong mas lumalim pa ang pananampalataya sa Poong Maykapal at mas mapagyaman ang mayamang kasaysayan ng lungsod.
Noong Marso 1, 2021 ay pinagtibay at nilagdaan ng Lokal na Pamahalaan ang City Resolution No. 3997-21 na nagdedeklara na si Tata Hosep ang patron ng buong Lungsod ng Las Piñas.
Ipinagpapasalamat naman ng mamamayan nito ang patuloy na pagmamahal at paggabay ni Tata Hosep sa pagharap at pagbangon sa pandemya.