Matapos ang kanyang pag-endorso sa tandem nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kamakailan, hindi maiwasang magtalo ng fans ni Jona para sa kaniya-kaniya nitong manok sa eleksyon. Ang Kapamilya star, nakiusap na.
“’Wag po tayo mag-away-away at magbastusan,” pakiusap ni Jona sa comment section ng kanyang naging performance sa Pampanga rally na ibinahagi niya sa Facebook.
"We may have different views, but let us still exercise respect to each other here while expressing our opinions. Ipagmalaki na lang po natin ano yung nagawa, at yung mga platapormang isinusulong ng ating mga napiling susuportahan,” paghihikayat ng singer.
Hayagan na ang suporta ni Jona para sa Robredo-Pangilinan tandem matapos ipaliwanag niya mismo ang kanyang dahilan ng kanyang boto kamakailan.
“Mahusay, masipag, matapang, humaharap sa mga pagsubok, may malinaw at konkretong plano, at ang pinakamahalaga sa lahat, may puso— tapat, transparent at walang bahid ng korapsiyon at katiwalian, na pinakita niya sa atin for the past 6 years bilang bise president,” ani Jona sa isang mahabang Facebook post sa pagtukoy kay Robredo.
“Noong mga nakaraang taon sobra tayong nagagalit kapag may mga issue ng corruption, mismanage ng funds ng ilang mga government agencies and officials, injustices lalo na sa mga mahihirap, mga inactions, at walang konkrentong plano sa pagtugon sa pandemya,” dagdag ng Kapamilya singer.
Naniniwala rin si Jona sa track records ni Robredo na aniya’y “nagsusumigaw” at patunay sa kahandaan nito para pamunuan ang bansa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumabas sa publiko ang singer para i-endorso ang kandidatura ng isang indibidwal.
First-time voter din si Jona sa darating na botohan sa Mayo.