Magpapadala na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng disaster identification team sa Baybay City at Abuyog sa Leyte upang makilala ang mga nasawi sa paghagupit ng bagyong 'Agaton' kamakailan.
Iniaalok ng NBI ang kanilang grupo para sa investigative forensic service upang mapadali ang pagtukoy sa mga residenteng natabunan ng landslide.
Huling naiulat na nasa 170 katao na ang naiulat na namatay sa bagyo sa Baybay City at Abuyog.
Nilinaw ng NBI, ang nasabing grupo ay binubuo ng mga medico-legal officer, doktor at forensic expert.
Sinabi pa ng ahensya na tutulong ang grupo sa pagkolekta at pagsusuri ng mga DNA samples mula sa mga bangkay.
Inaasahan naman ni Ferdinand Lavin, NBI deputy director for Investigative Forensic Service, na matatapos ang trabaho sa loob lamang ng isang linggo.