Si presidential candidate at Vice President Leni Robredo ang ineendorsong kandidato ng sikat na awtor na si 'Bob Ong', na siyang may-akda ng mga aklat na 'ABNKKBSNPLako', 'Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?', 'Ang Paboritong Libro ni Hudas', 'Stainless Longganisa', 'Alamat ng Gubat', 'Ang mga Kaibigan ni Mama Susan', 'MacArthur', 'Kapitan Sino', at iba pa.

Sa isang mahabang post ay ipinaliwanag ni Bob Ong ang mga dahilan kung bakit si VP Leni ang napipisil niyang maging pangulo.

"Medyo may kahabaan ang pagbabasa sa 'librong' ito," babala niya.

"Linawin muna natin na lahat ng kandidato ay may kahinaan o kapintasan at nagbabatuhan ng dumi patago man o harapan. Lahat din ay mangangako sa mga kampanya at pilit mag-aangat ng sarili. Pantay-pantay sila dito at di maiiwasang mapakanta, mapasayaw, at mapa-tumbling sila kakasungkit sa matamis mong boto. Huwag mo sila husgahan base sa kanya-kanyang palabas na pinanonood din natin nang may kanya-kanyang bias."

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ipinaliwanag ni Bob Ong na makabubuting tingnan ang 'track record' ng isang kandidato, lalo't karamihan naman ay doon nakabatay, halimbawa sa paaralan, bangko, o pagkuha ng trabaho.

"Tanong: Kung hindi basehan ang kapintasan na lahat naman ay meron at ang ilan ay paninira lang; at hindi mapapanghawakan ang mga pangako na pwedeng bawiin at sabihing joke lang; saan magandang ibase ang boto mo?

Magandang pagtuunan ng pansin ang track record at mga nagawa na ng kandidato."

"Ito ang pinagbabasehan ng mga paaralan sa pagtanggap ng estudyante, at ng mga kompanya sa pagtanggap ng empleyado. Ito rin ang basehang ginagamit ng mga bangko at lending companies para salain ang mga kliyente. Sa maraming pagkakataon, ang mga nagawa mo na ang pinagbabasehan para tukuyin ang kaya mo pang gawin. Ikaw mismo, maraming beses sinukat sa ganitong paraan."

"Alamin: Anong uri ba ng tao ang manliligaw o kandidato mo bago ka pa niya ligawan? Base sa nakaraan, ano ang sigurado kang maaasahan sa kanya kahit hindi niya ipangako? Ano ang mga nagawa niya na sa buhay at trabaho para ipagkatiwala mo sa kaniya ang bayan? Higit sa lahat, nasaan siya noong hindi pa niya kailangan ang boto mo?"

"Mabigat ang aakuing responsibilidad ng pangulo ng bansa kaya tama lang na gamitan din sila ng pinakamataas na pamantayan. Higit sa anumang ginamit sayo. Isa na dito ang masinsinang interview."

"Paano kung ayaw ng interview?"

"Baka ayaw ng trabaho. Kahit sa kasal lang, halimbawa, karaniwang namamanhikan ka o nagpapakita man lang sa magiging mga biyenan mo bilang paggalang. Kahit sure ball ka na, dinaraanan mo pa rin ang proseso bilang respeto sa mga taong ipinagkaloob na ang tiwala sa'yo."

"Kung boto na pala sa'yo, bakit kailangan pang mamanhikan?"

"Paggalang. Sa halalan, pagrespeto ito sa mga botante mo para masabi rin nilang dumaan sa pagkilatis at 'quality control' ang kandidato nila. Dahil paano mo patutunayan na ikaw ang pinaka-akma sa posisyon kung lagi kang umiiwas na maikumpara nang harap-harapan sa ibang kandidato?"

"Paano kung galit sa'yo ang magiging mga biyenan mo, o kulang ang tiwala sayo ng employer?"

"Di ba lalo mo gustong magpakita sa 'interview'? Lalo mo sila gustong kausapin para makumbinsi? Susunggaban mo ang lahat ng pagkakataon para linisin ang pangalan mo at ipaalam ang totoo. Ito ang hinihintay natin sa lahat ng teleserye: ang magkaalaman at mabisto ang lahat ng kasinungalingan ng mga kontrabida. Kikidnapin ka para di makapagsalita, pero pilit kang tatakas para maisiwalat ang katotohanan."

"Pag hindi ba panig sa katotohanan, kontrabida kaagad?"

"Hindi ba? Dahil ito ang sukatan sa lahat ng pagtatalo. May alam ba sa trabaho ang kandidato o wala? Puro yabang lang ba yung isa? Sinungaling? Puppet? Lutang? Ano man ang sagot, yung totoo lagi ang pakay natin. Nilangaw ba yung rally? Bayaran ba ang mga nagpunta? Hinakot lang ng truck ng basura? Walang kwentang itanong kung walang totoong sagot. Kaya nga sinasamahan natin ito ng mga litrato o video bilang pruweba. Patunay na totoo. Kaya ayaw din natin sa mga biased, dahil gusto natin ang katotohanan."

"Anumang isyu, laging nauuwi ang pagtatalo sa 'kami ang nagsasabi ng totoo.' Mahalaga ang katotohanan para sa kahit anong panig--liban lang sa panig na kasinungalingan ang sandata."

"Paano malalaman kung sino ang nagsisinungaling?"

"Kailan ba nauso ang mga fake news at sino ang pangunahing biktima? Sino ang mga nakikinabang? Social media accounts ng kampo ng sinong mga politiko ang ilang beses nang nabalitang ipinatanggal ng Facebook at Twitter?

Hindi ba biased lang kasi ang social media sa ibang kandidato?"

"Hindi. At para maging sigurado, pwede tayo gumamit ng iba pang paraan para kilalanin ang mga kandidato: Sino ang mga taong sumusuporta sa kanila? Tulad mo ba na karaniwang mamamayan o mga politiko na dati nang isinuka ng bayan? Isang maruming politiko lang ba ang supporter niya o lupon ng mga politikong pare-parehong may atraso sa bansa?"

"Tanggap na nating corrupt si Mayor at kawatan si Congressman, pero kung magsasanib-puwersa sila lahat kasama ng iba pang mga presidente at politikong may mga mug shot—hindi ba sobrang insulto na sa sarili kung di pa rin tayo makakahalata?

Sandali. Ikaw, bakit ko pagkakatiwalaan ang opinyon mo?"

"Dahil hindi napipilipit ang opinyon ko base sa napili ko nang politiko. Ang mga tinukoy kong mali noon ay nananatiling mali ngayon. Walang pagtatanggol na base sa sino mang personalidad, kahit silipin mo ang mga isinulat ko na umabot na ng dalawang dekada."

"Palibhasa di ka naman nakuntento sa kahit anong administrasyon!"

"May mababanggit ka bang administrasyon kung kailan akmang nakuntento at nanahimik lang ang lahat ng mamamayan sa lahat ng pagkakataon? Kahit sa mag-asawa, hindi dahil sa boluntaryo n'yong pinili ang isa't isa ay wala na kayong pinagtatalunang para sa ikabubuti ng relasyon o pamilya."

"Ang totoo ay puwede kang bumoto ng kandidato na sisitahin mo sa maling gawain nito pag nasa pwesto na. Puwede 'yon at dapat. Hindi ibig sabihin noon na hindi ka marunong magdesisyon. Ang maling-mali ay ang ipaglaban mo ang paborito mong politiko na dahil ipinaglaban mo ay kailangang pangatawanan mo nang wala itong kapintasan at hindi nagkakamali kailanman.

Ano ba para sa'yo ang magandang katangian ng politiko?"

"Bukod sa hindi puppet o lutang, walang atraso sa bayan, at panig sa katotohanan? Magandang katangian ng isang pinuno ang pagiging mabuting impluwensya sa mga mamamayan. Halimbawa na lang ang mga kandidato na kayang humimok sa mga tao na kusang magtulungan sa halip na magtanungan ng ambag; magbigay ng anumang tulong o pagkain sa mga community pantry sa halip na mag-uwi ng kahon-kahong giveaways sa mga political rally; maglinis ng lugar sa halip na mag-iwan ng kalat pagkatapos ng malakihang pagtitipon; at huwag manira ng ari-arian at mang-harass ng mga kababayang may ibang opinyon sa politika."

"Hindi man siguro ganyan sa lahat ng pagkakataon, may mga kandidato pa ring lamang sa ganyang katangian.

Aminado kang hindi sa lahat ng pagkakataon, dahil ba aminado kang hindi perpekto ang kandidato mo?

Mismo. Pero ang maganda kung lalabas lahat ng katotohanan, makikita lang na hindi perpekto ang napili kong kandidato. Pero hindi lalabas na hindi siya akma sa posisyon tulad ng ilang kandidato na hindi lumalabas sa mga debate."

"Kanina mo pa binabanggit ang pagsisinungaling, bakit ka naniniwala sa mga biased at fake news?"

"Hindi biased at fake news ang mga kasong napagdesisyunan na ng Korte Suprema. May dahilan kung bakit tinatawag itong Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, at higit sa opinyon lang ng paborito mong influencer, o viral video sa pina-follow mong FB page, TikTok account, o YouTube channel. Pwede tayo magbintangan ng bias, pero pag desisyon na ng Korte Suprema, pinaghahawakan natin itong tama at patas bilang isang bayan."

"Pinanghahawakan mo rin ba ang kasaysayan na pinihit lang naman ng kung sino man ang mga nasa kapangyarihan noon?

Mas akma bang panghawakan ang kasaysayan na pinipihit ng mga nasa kapangyarihan ngayon? Kung pipihitin na naman ito ng susunod na uupo sa puwesto, at muling pipihitin ng mga susunod pa, aling version na ng kasaysayan ang panghahawakan natin?"

Sa puntong ito, binanggit ni Bob Ong kung ano-ano naman ang mga katangian ng isang kandidato na hindi niya iboboto.

"Kung hindi dapat iboto ang "puppet" at "lutang," sino ang iboboto mo?"

"Hindi ko iboboto ang kandidatong konektado ang dila sa puwet ng China. O yung naglalako ng plataporma na parang sagot lang sa beauty pageant at walang malinaw na hakbang at mga isinusulong na batas para makamit ito. O yung sumasali lang sa debate na organisado ng sarili nitong partido. O yung nagsusulong ng pagkakaisa ng pinakamaruruming politiko na may mga kamag-anak na deka-dekada nang nasa puwesto."

"Hindi ko iboboto ang puppet at lutang, at ang partidong nagpapakalat ng mga ganitong paninira sa mga kandidatong hindi nila matawag na sinungaling, tamad, o magnanakaw. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang mga taong gumagawa, nagpapakalat, at naniniwala sa mga binaboy na litrato, inedit na interview, at pinutol-putol na video. Hindi ko iboboto ang mga kandidatong patagong nagbabayad at pasimpleng humihimok na maging bobo o masamang tao ang mga Pilipino."

"Nag-umpisa tayong maghiwalay ng paniniwala dahil sa mga EJK: Kung kailangan bang pumatay para makapagligtas ng buhay, o kung anumang pagkitil sa buhay ay dagdag lang sa bilang ng mga namamatay. Kasabay nito ang paghahati sa mamamayan bilang DDS o Dilawan sa halip na paghahati sa mga gawain kung tama o mali."

"Kinondisyon tayong magalit sa kapwa base sa partido at hindi sa prinsipyo. Sa halip na timbangin ang masama at mabuti, kinulayan na lang ito kung gawaing-terorista o hindi. Hindi mo na kailangan maging mali, kailangan mo lang mabansagang Dilaw. Tulad ng mga Hudyo na ipinasunog noon dahil lang Hudyo sila. Unti-unti tayong pinaliliit at sinasanay na magturingan ayon sa bansag."

"Hinati tayo at nilinlang. Mula sa inosenteng pagtatalo kung ano ang mabuti para sa bayan, umabot tayo sa pagtatalo kung may 'transport crisis' nga ba tayo. (Sagot: Mayroon.) Kung hina-harass ba ang mga Pilipinong mangingisda sa WPS. (Sagot. Hina-harass.) Kung mahalaga ba sa public servants ang honesty. (Sagot: Mahalaga.) Kung may nakatagong ginto na ipamimigay sa mga Pilipino pag nanalo ang isang kandidato. (Sagot: Wala.) At kung nangyari ba sa kasaysayan natin ang mga totoong pangyayari at kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema."

"Mula simula ay hindi ako nag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo dahil naniniwala akong responsibilidad ng bawat mamamayan ang pagkilatis sa pinunong pagkakatiwalaan niya ng bayan. Pero sa unang pagkakataon ay ginagawa ko ito ngayon dahil ninakaw ng Kasinungalingan ang kakayahan ng ordinaryong Pilipino na magpasya nang tama."

"Sino sa tingin mo ang karapat-dapat iboto?"

Sa bandang dulo, ipinahayag niya na ang napisil niyang kandidato ay si VP Leni.

"Ipagkakatiwala ko ang boto ko kay Leni Robredo hindi dahil sa mga pangakong gagawin niya. Iboboto ko sya dahil sa mga nagawa niya na--nang higit pa sa inaasahan, sa kabila ng mga panggigipit, maliit na pondo, at limitadong kapangyarihan.

Ipagkakatiwala ko ang boto ko kay Leni Robredo hindi lang dahil sa mga kaya nyang gawin. Iboboto ko siya dahil ginising niya ang mga Pilipino at ipinaalala kung ano ang kakayahan natin."

"Ipagkakatiwala ko ang boto ko kay Leni Robredo hindi dahil sa naniniwala ako sa kanya. Iboboto ko siya dahil naniniwala sya sa Pilipino. Sa dangal ng Pilipino, sa kabutihan ng Pilipino, at sa pagmamahal ng Pilipino sa katotohanan. Sakali mang mali ako o lumihis siya ng landas, kampante akong kasama ko sa botong ito ang mga Pilipinong marunong pumuna ng mali at hindi lolokohin ang sarili para lang magmukhang tama."

"Hinihikayat kitang pag-isipang maigi ang boto mo at pumanig sa totoo. Hindi natin masisiguro ang sino mang kandidato. Masisiguro lang natin na pumili tayo ayon sa ipinagkaloob sa ating talino at gabay ng konsensya. Mabuhay ang Pilipino!"

Habang isinusulat ito ay trending na sa Twitter ang pangalang 'Bob Ong'.