Naniniwala si Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ang malalaking rally ng kanyang kalaban sa pagkapangulo na si Vice President Leni Robredo ay paghahanda upang ipakita ang maaaring gulo kapag natalo ito.
Sa naganap na press conference, umaga ng Linggo, Abril 17, bagaman “fake news” ay nagbigay ng reaksyon si Domagoso sa umano’y pahayag ni Robredo na magkakagulo kapag siya ay natalo sa halalan sa Mayo.
“‘Yun ang nakakatakot. It shows the character. Bakit kapag natalo ka sa eleksyon iisipin mo magkakagulo? Kasi nga wala kang respeto sa kapwa mo. Yun yung sinasabi nila na, kami we will protect democracy—the will of the people. Kung ano ang will ng tao dapat suportahan natin,” saad ni Domagoso.
“Hindi yung ‘di pa nagdedesisyon yung tao, sine-set na natin yung mind: magkakagulo,” dagdag niya.
Sunod na sumang-ayon si Domagoso sa naunang pahayag ni Presidential aspirant Sen. Ping Lacson.
“Alam mo ang gagawin nila, ihahanda na ang damdamin ninyo. Gagawa sila ng malalaking rally. The same rally, rally, rally. Ito yung rally na para bang sinasabi sa inyo na, ‘Pag hindi n’yo kami binoto, magkakagulo,’” mabigat na teyorya ng alkalde.
Kilala ang campaign rallies ni Robredo sa libu-libong attendees nito mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sunod na binanggit ni Domagoso ang economic crisis sa bansang Sri Lanka na ayaw niya umanong mangyari sa Pilipinas.
“Mga kababayan, maniwala kayo. We cannot afford any animosity. Ang offer ko na, if you want peace of mind, available ako. Why? Mukhang hindi magkakatanggapan ang pula at dilaw sa resulta ng halalan eh ang dami ng problema,” ani Domagoso sa pagtukoy sa kampo ni Robredo at dating senador Bongbong Marcos Jr.
Sa tweet ni ABS-CBN reporter Jervis Manahan nito ring Linggo, pinabulaanan nito ang konteksto ng naunang tanong kaugnay ng umano’y pahayag ni Robredo na magkakagulo kapag siya’y natalo sa Mayo.
Sa katunayan, noong unang linggo ng Abril, si Domagoso at hindi si Robredo ang nagbitiw ng pahayag na ito.
“Napapansin ko painit nang painit yung away ng ‘pula’ at ‘dilaw.’ Personalan na. Bilihan dito, bilihan doon. Sungkitan dito, sungkitan doon. Talagang hindi pa rin nagbago yung away ng ‘pula’ at away ng ‘dilaw,’” sabi ni alkalde sa isang ambush interview sa Pagadian City, Zamboanga, Miyerkules, Abril 6.
“Kami po, wala kaming kaaway na dilaw. Wala kaming kaaway na pula. I can work with anybody. It’s time to heal, time to move move forward. Wala nang awayan sa politika kasi kapag nagpatuloy yung away, kapag nanalo ang isa, ikukudeta ng isa, aawayin yung isa…di na matitigil. Hirap na hirap na ang tao,” dagdag na saad Domagoso.
Giit pa niya, maaari umanong maganap ang kudeta sinuman kina Robredo at Marcos ang manalo sa darating na eleksyon.