Mas marami pang escalators at elevators ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang magiging operational na simula sa Lunes, Abril 18.
Ito ang inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Sabado, matapos ang pagdaraos ng Holy Week maintenance ng naturang railway system.
Sa isang paabiso, sinabi ng LRTA na simula ngayong darating na linggo, ang mga operational na escalators sa mga istasyon ng linya ay magiging 52 na, mula sa dating 31 lamang.
Nabatid na sa kabuuan ang LRT-2 ay mayroong 72 escalators at 40 elevators mula sa Antipolo hanggang Recto Avenue sa Maynila.
“Sa ngayon, meron nang elevators and escalators na gumagana sa lahat ng istasyon,” ayon pa sa LRTA.
“Samantala patuloy pa rin ang ginagawang pagkukumpuni sa mga natitirang sirang elevator habang ang ibang escalator ay sumasailalim sa testing and commissioning,” dagdag pa nito.
Sinabi ng LRTA na layunin nilang maging operational ang lahat ng elevators at escalators sa lahat ng istasyon ng LRT-2 sa lalong madaling panahon upang maging komportable ang commuting public, partikular na ang mga senior citizens at persons with disability (PWD).