Mag-aalok ang Pasig City Health Department ng libreng chest x-ray services sa kanilang mga residente mula Lunes, Abril 18 hanggang Biyernes, Abril 22, bilang bahagi ng active case finding (ACF) na inisyatiba para sa maagang pagtuklas ng tuberculosis (TB) sa lungsod.
Bibigyang-daan ng ACF ang local health department na magsagawa ng mas accessible at maginhawang pagsusuri sa TB sa mga komunidad sa gitna ng patuloy na pandemya ng Covid-19.
Ayon sa National Tuberculosis Control Program (NTCP) ng Department of Health (DOH), target ng ACF ang mga high-risk na populasyon katulad ng mga urban at rural poor, at ang mga nasa mga workplace na may mataas na exposure sa “pollutant particles and fumes”.
Ang programa ay ginawa sa pakikipagtulungan ng DOH, Tricycle Operation And Regulatory Office(TORO), Philippine Business for Social Progress (PBSP), at non-government organization (NGO), Culion Foundation, Inc.
Ang screenings ay sa Pasig Palengke Terminal sa Lunes, Abril 18; ang schedule ng Rosario Daycare sa Westbank, Brgy. Rosario ay sa Martes, Abril 19; ang schedule ng Ilaya Multipurpose Hall sa Brgy. Santolan ay sa Miyerkules, Abril 20.
Sa Brgy. Pinagbuhatan, magaganap ang screening sa Damayan Covered Court sa Huwebes, Abril 21, at sa PPCTODA Pinalad Terminal sa Biyernes, Abril 22.
Magsisimula ang lahat ng screening mula 8 a.m. hanggang 4 p.m.
Ang TB ay isang airborne infection na dulot ng "mycobacterium tuberculosis" bacteria na nakakaapekto sa mga baga at iba pang bahagi ng katawan ng isang indibidwal.
Noong 2020, ang Pilipinas ay nakapagtala ng humigit-kumulang 591,000 kabuuang insidente ng TB, ayon sa World Health Organization (WHO).
Nakapagtala ang NTCP-DOH ng 340,524 notified drug-sensitive (DS) at drug-resistant (DR) TB cases noong 2021.
Ayon sa ulat ng WHO Global TB 2021, ang mga serbisyo ng TB sa bansa ay naapektuhan ng pandemya ng Covid-19, na nagtala ng 37 porsiyentong pagbaba sa taunang mga abiso sa pagitan ng 2019 hanggang 2020.
Ang mga taunang abiso ay tumutukoy sa pag-access ng mga indibidwal sa diagnosis at paggamot ng TB, na isinasaalang-alang ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan na magbigay ng mga serbisyo, at kahandaan ng mga indibidwal para sa screening at paggamot sa gitna ng stigma laban sa TB at iba pang mga hamon na dulot ng pandemya.
Khriscielle Yalao