Naglabas na ng pahayag ang Kampo ni Vice President Leni Robredo tungkol sa joint press conference ng tatlo pang kandidato sa pagka-pangulo nitong Linggo, Abril 17.
"We are thankful that the alignments have been made even clearer. And we remain focused on showing our people that a Robredo presidency will mean victory for all Filipinos," saad ni Atty. Barry Gutierrez, spokesperson ni Robredo.
Sinabi rin niya na tatlong linggo na lamang bago ang eleksyon kaya't nasa panahon na sila ng matinding momentum para sa kanilang People's Campaign.
Bukod dito, sinabi niyang nasa kamay ng kandidato ang desisyon kung magpapatuloy pa siya hanggang dulo.
"Simula pa lang, nasa pasya naman ng bawat kandidato ang pagpapatuloy hanggang dulo. Gayundin, nasa pasya ng kandidato kung isasawalang-bahala niya ang mga survey, magtatawag ng pagtitipon, kukuha ng mag-eendorso, o anumang karaniwang sagisag ng suporta. Sa mga kandidato magpapatuloy hanggang dulo, pagpalain nawa kayo," ani Gutierrez.
May patutsada si Gutierrez na sa pagpapasya ay dapat umano isipin kung dapat bang gumamit ng kasinungalingan.
"Ngunit sa ganitong mga pasya, di ba't mabuti ring isipin: Dapat bang idiin ito gamit ang pagngawngaw at kasinungalingan? Sino ang nakikinabang sa gayong pagpapakitang tao? Ano ba ang pinakamabuti para sa Samabayang Pilipino? Marahil mas malalim pa ang naipahiwatig kung nanahimik na lamang; kahit papaano, hindi sana lumitaw ang pagmamataas, dupok ng pagkatao, at toxicity," saad niya.
"Nagpapasalamat kami sa nangyaring lalong paglinaw ng pagkakahanay. At nananatili kaming nakatutok sa pagpapakita sa taumbayan na katumbas ng isang pamunuang Robredo ang tagumpay ng bawat Pilipino," anang spokesperson.
Inilabas ang pahayag na ito nang pinagwi-withdraw ni Manila Mayor Isko Moreno si Robredo at pagbabahagi ng iba pang presidential aspirants ng kanilang karanasan na may nagpapaatras umano sa kanila na lumaban ngayong halalan.