TABUK CITY, Kalinga – Nauwi sa trahedya ang isang pamilya matapos mahulog sa bangin at bumagsak sa Chico River ang kanilang sinasakyang van kaninang Sabado ng umaga, Abril 16 sa Gonogon, Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ni Col.Peter Tagtag, provincial director ng Kalinga Provincial Police Office, ang biktimang sina Marcelo Sagyaman, driver; asawa nitong si Marivic Botillas Sagyaman at mga anak na sina Marvin Botillas Sagyaman, 27 at Azrel Botillas Sagyaman,12, pawang residente ng Barangay Sacpil, Conner, Apayao.

Sa imbestigasyon, ang biktima na lulan ng Starex Van ay galing sa Tadian, Mt. Province at dumaan sa Kalinga-Mt. Province national road patungong Tabuk City proper dakong alas 4:00 ng umaga.

Base sa pahayag ni Karen Dongdongan, kasamahan ng mga biktima na lulan ng ibang sasakyan, nauna sila sa Tabuk City at inaantay nila ang mga biktima, pero nang tumagal ay nagpasya silang bumalik para salubungin ito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Habang nasa curved portion sa Sitio Gonogon ay nakita nila ang bakas ng sasakyan sa gilid ng kalsada at nakita ang Starex Van na nakabulagta sa Chico River mula sa pagkakahulog nito sa may 150 metrong lalim ng bangin.

Dahil bihira ang sasakyan na dumadaan sa oras na iyon ay dakong alas 7:00 na ng umaga rumesponde ang mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council at agad nagsagawa ng rescue operations, subalit nadatnang nasawi na ang mga biktima.