Patuloy pa ring sumasailalim sa taunang maintenance ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong Sabado de Gloria, Abril 16, 2022.
Ibinahagi ng MRT-3 na maayos na minimintina ng mga technical personnel ang mga equipment sa signaling room ng lahat ng mga istasyon ng linya na naglalaman ng makabagong mga fiber optic cabinet (FOC).
Pagbabahagi pa nito napalitan na nila ang mga mahigit 20 taon na signaling copper ng mas mabilis at modernong fiber optic cables.
Sumailalim sa functional testing ang mga kagamitan upang matiyak na gumagana at nasa maayos na kondisyon ang mga ito.
"Ang FOC cabinet ang pumoprotekta sa fiber optic cables na kumokonekta sa lahat ng components ng communications system ng istasyon gaya ng PABX o telephone network at signaling system," anang MRT-3.
Samantala, minintina rin ang mga safety and security systems ng MRT-3, kabilang ang fire detection at alarm system upang masigurong ligtas ang biyahe ng mga pasahero.
Matatandaang sinuspinde ng MRT-3 ang kanilang operasyon noong Abril 13 na matatapos sa Abril 17.
Magbabalik ang operasyon nito sa Lunes, Abril 18, 2022.