Umabot na sa 167 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong “Agaton” habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa Eastern Visayas (Region 8) na matinding tinamaan ng landslide at flashflood, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Black Saturday, Abril 16.

Sa isang situational report, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na 151 katao ang naiulat sa Eastern Visayas kung saan natabunan ng malalaking landslide ang ilang bahay sa Baybay City at bayan ng Abuyog sa lalawigan ng Leyte.

Samantala, mayroong 11 katao ang namatay sa Western Visayas (Region 6), tatlo sa Davao (Region 11), at dalawa sa Central Visayas (Region 7).

Nangangamba ang mga rescuer na baka mas tumaas pa ang bilang ng mga nasawi dahil may 110 katao ang naiulat na nawawala, kabilang ang 104 sa Eastern Visayas. Mayroon ding walong nasugatan na indibidwal.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Bumisita at nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Duterte sa Baybay City, Leyte noong Biyernes Santo.

Kasama niya sina Jalad, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, at Senator Christopher “Bong” Go sa pamamahagi ng mga relief items at tulong pinansyal sa mga nasalanta ng bagyo.

Si Agaton, na nalusaw noong Miyerkules, ay nakaapekto na sa 562,548 pamilya o 1,939,514 na indibidwal hanggang Sabado.

May kabuuang 160,920 pamilya o 348,359 indibidwal ang nawalan ng tirahan, kabilang ang humigit-kumulang 209,000 na nananatili sa mga evacuation center.

Ang unang bagyong tumama sa bansa ngayong taon ay sumira rin ng P242,239,927.31 halaga ng agrikultura at P6,950,000 halaga ng imprastraktura sa Regions 6, 8, 10, 12, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang NDRRMC ay namahagi ng kabuuang P48,536,845.18 halaga ng tulong sa mga biktima ni Agaton.

Ang bulto ng tulong ay dumating sa anyo ng family food packs na ipinamahagi sa mga evacuees na nagkakahalaga ng P 33,851,589.02.

Namigay din ang NDRRMC ng bottled water, hygiene kits, sleeping kits, modular tents, blankets, shelter repair kits, financial assistance, at iba pang non-food items.

Martin Sadongdong