Out and proud "Kakampink" na ngayon si Rowena Quejada, o nakilala bilang “Mosang” sa kontrobersyal na Lenlen series ni Darryl Yap.
Usap-usapan ngayon sa social media ang pagkalas ng isa sa mga cast ng serye na likha ng direktor na si Darryl.
Matatandaang Pebrero noong lumabas ang karakter ni Rowena bilang “Mosang” sa "Lenlen: The Untold Story" kasama si Sen. Imee Marcos, Juliana Parizcova at Roanna Marie.
Ang kanyang karakter ang nagbigay ng impormasyon sa senadora ukol kay “Lenlen”, na kritikal na nagpasaring sa isang kampo na tinukoy niyang “Parang Angat.”
Kilala ang kampanya ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo sa linyang “Sa gobyernong tapat, angat buhay lahat.”
Nitong Abril 9, tuluyan nang lumabas sa publiko bilang out and proud "Kakampink" si Rowena nang dumalo ito sa record-breaking na "The Manalakaran:PampangaPeople’s Rally" sa San Fernando, Pampanga.
Suot ang pink na t-shirt, at mask na nakaukit ang pangalan at mukha ni Robredo, hayagan nitong lumabas sa Facebook para ipakilala ang kanyang manok sa pagka-pangulo.
“WE are PINK and YES we are here @ San Fernando, Pampanga,” mababasa sa kanyang Facebook caption.
Aktibo na ring nakikiisa si Rowena sa pangangampanya kay Robredo sa kanilang lugar kung saan makikita siyang namahagi ng poster sa ilang mga pamilihan.
Mababasa rin sa ilang serye ng kanyang facebook posts ang mga patutsada niya ukol sa korapsyon at aniya'y followers na umaalma kaagad kahit hindi wala siyang binabanggit na pangalan.
Local consultant ng Diwa Partylist si Rowena sa Olangapo City. Sa isang panayam, pagbabahagi niya, kahit na nagkaroon siya ng kontrata sa VinCentiments, ang producer ng seryeng pinagbidahan, ay pinili niya umanong hindi ipagpalit ang kanyang prinsipyo.
Aniya pa, handa rin daw siya na hindi na makuha ang hindi pa bayad na talent fee sa kanyang pag-arte sa ilan pang episodes ng serye.