Mula sa kanyang paghikayat noon kay Vice President Leni Robredo na tumakbo sa halalan hanggang sa pagbibigay ng ekslusibong karapatan na gamitin ang kanyang mga kanta sa kampanya nito, all-out ang suporta ni Eraserheads frontman Ely Buendia sa naghahangad na pangulo.
Si Ely ang kauna-unahang pangalan mula sa isang kilalang banda sa bansa na nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Robredo.
Sa ngayon, marami na ang boluntaryong tumutugtog sa mga campaign rally ni Robredo kasama ang running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan kabilang ang Rivermaya, True Faith, Chicosci, Ben&Ben, The Juans, bukod sa iba ba.
Samantala, nilinaw ng kampo ni Ely na tanging sa kampanya ng Robredo-Pangilinan tandem lang pinapahintulutang gamitin ang mga kanta nito.
Ito’y ayon na rin mismo sa manager ni Ely na si Diane Ventura sa isang ulat ng ANCX kamakailan.
“In response to queries as to the usage of any of Ely’s compositions including ‘Pare Ko’—we’ve only bestowed explicit and unequivocal permission to use Ely’s songs upon Leni-Kiko’s campaign and at no cost. All others did not and do not have our permission or consent,” ani Diane.
Kabilang sa mga hit songs ni Ely ang “Ligaya,” “Pare Ko,” “Alapaap,” “With a Smile,” bukod sa iba pa.
Matatandang isang limited edition na vinyl ng Eraserheads ang ibinigay ni Ely kay Robredo noong Nobyembre.