Napatay ang isang barangay chairman na pinaghihinalaang nasa likod ng pamamaslang sa limang tauhan ngPhilippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2018 matapos umanong lumaban sa mga awtoridad sa Wao, Lanao de Sur kamakailan.

Dead on the spot si incumbent barangay chairman William Gandawali dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinalakay ng mga miyembro ngNational Bureau of Investigation (NBI)-Iligan at Philippine National Police (PNP)-Special Action Force ang liblib na pinagtataguan ni Gandawali.

Gayunman, bigla umano silang pinaputukan ni Gandawali at agad namang nakipagbarilan ang mga awtoridad na ikinasawi ng una.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

“Makikita sa video na naputukan ang mga agents natin kasama yung ibang counterparts natin and ang resulta, napatay itong si kapitan..si William. May mga wanted pa diyan, may mga kasamahan ito sa pag-ambush hindi tayo titigil hangga't mahuli sila at mapanagot natin sa batas,” paliwanag ni NBI Director Eric Distor sa isang television interview.

Narekober sa lugar ang isang Armalite rifle, isang M203 grenade launcher at mga bala.

Matatandaang pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang lalaki ang van ng limang agent ng PDEA habang patungo sila sa Marawi City matapos dumalo sa isang programa para sa mga drug surrenderees sa Tagoloan Police Station sa Brgy. Malna, Kapai ng nabanggit na lalawigan noong Oktubre 5, 2018.