Matapos ang hayagang pagsuporta ni Rowena Quejada, isa sa mga aktor ni Darryl Yap sa Lenlen series, kay Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo, nilinaw ng direktor na dati pa man ay alam na niyang “Kakampink” ito.
“Our Mommy Rowena Wengkie Quejada has always been a KAKAMPINK. Wala pong #SwitchToLeni, kasi Leni po talaga siya noon pa man,” mababasa sa isang Facebook post ni Darryl, Biyernes, Abril 15.
Hayag sinusuportahan ni Darryl ang UniTeam tandem nina Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Pagbabahagi pa ng direktor, ilan pang mga kasama niya sa VinCentiments ang aniya'y hindi boboto kay Bongbong Marcos Jr. sa pagkapangulo.
“Hindi po totoong nagbago ng isip ang Mommy Weng namin; talagang pong simula’t sapul siya ay makaLENI. Gayunpaman, walang lamat o bitak sa aming samahan; at siya mismo, naranasan nya nang personal ang kabaitan ni Senator Imee R. Marcos,” dagdag na saad ni Darryl.
Tirada naman niya sa mga Kakampink: “Ngayon, Bakit po gulat na gulat ang mga kapwa nya Kakampink? Kasi po hindi nila alam na pwede pala iyon; ang magpatuloy ang pagkakaibigan at trabaho kahit magkaiba kayo ng paninindigang Politikal, basta manatili ang respeto at pagtanaw ng utang na loob.”
“Siya po ay 12 years ko nang kaibigan at nanay-nanayan. hindi po si Leni o BBM ang susukat sa aming pagmamahal para sa isa’t-isa,” dagdag ng direktor.
Sa hiwalay na Facebook post, Biyernes, muling nanindigan bilang Kakampink si Rowena. Nagpasalamat ito sa kanyang “anak-anakan” na si Darryl.
Ibinahagi rin ng talent ang naging palitan nila ng mensahe matapos maging usap-usapan nitong Biyernes ang kanyang hayagang pagsuporta kay Robredo.
“I am blessed that I have decided to come out in the open that I am pink, my heart is pink, the future of the Philippines is pink and the right direction for a better 6 years of our lives is pink.
“Maraming maraming salamat KAKAMPINKS, sa pagmamahal, sa suporta, sa respeto. Lalo nyo lang pinatunayan sa akin TAMA ANG DESISYON ko at TAMA ANG TINIDIGAN ko. Lalo't higit ang kasiyahan at kapayapaan ng puso ko dahil sa pagmamahal, respeto at pang-unawa ng aking anak-anakan Direk Darryl Yap.
“MAGKAIBA NG KULAY, MAGKAIBA NG PANINIDIGAN, MAGKAIBA NG TINITINDIGAN AT SINUSUPORTAHAN PERO PINAG-ISA NG RADIKAL NA PAGMAMAHAL,” saad ni Rowena.
Sa huli, nakiusap si Rowena na huwag na sila pagsabungin ng direktor.
“PAKIUSAP sa mga hindi nakakaunawa, please po wag na kau mag-aksaya ng oras para pag-awayin po kami. Malinaw po, hindi ang anumang eleksy0n, hindi PINK at PULA, lalong hindi si LENI at BBM ang sisira sa aming dalawa. Salamat po.”