Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang panukalang batas na nagbibigay ng 25 taong prangkisa ng radyo at telebisyon ng Southern Luzon State University (SLSU).
Partikular na inaprubahan ng Pangulo ang Republic Act (RA) No. 11680 o ang, "An Act Granting Southern Luzon State University (SLSU) a franchise to construct, install, establish, operate, and maintain for educational and other related purposes radio and television broadcasting stations within its campuses in the Province of Quezon."
Sa naturang batas, pinapayagan ang SLSU na magsimula at gamitin ang radio at television broadcasting stations para sa pag-aaral ng mga estudyante nito at pagseserbisyo sa publiko.
Sa ilalim ng Republic Act 11680, ang mandato ng SLSU ay magkaloob ng sapat na oras na serbisyo upang maipaabot sa mamamayan ang mahahalagang usapin at programa ng lalawigan.
Ang House Bill No. 10122 ay inakda nina Quezon 4th District Rep. Angelina Tan at 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga.
Binigyan-diin naman ng kongresista ang kahalagahan ng pagsasabatas ng House Bill 10122 na naging RA 11680 nang maisabatas sa gitna ng pahayag ng UNESCO (United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization) na maraming estudyante sa Pilipinas ang naapektuhan dahil sa kawalan ng face-to-face classes.
Noong Abril 8 ay pinirmahan ng Pangulo ang panukalang batas na isinapubliko ng Malacañang nitong Abril 11.