Hindi pinalagpas ng labor leader at presidential candidate na si Ka Leody de Guzman ang pambabastos sa panganay na anak ni Bise Presidente Leni Robredo na si Aika.

Sa isang pahayag na inilabas ni de Guzman sa kanyang social media accounts, mariin niyang kinokondena ang tahasang pambabastos kay Aika.

"Kinokondena ko ang tahasang pambabastos kay Aika Robredo sa lumabas na pekeng iskandalosong video," pahayag ng labor leader.

Ang mga ganitong uri ng pag-atake ay paninira lamang, na aniya, ay ginawa na rin dati kay senatorial aspirant Leila de Lima.

"Ang ganitong klase ng paninira (na dati nang ginawa kay Sen. Leila de Lima) at pagkalat ng pekeng impormasyon ay trademark ng bulok na pulitika ng paksyon ni Marcos Jr. at Duterte, kahit pa sabihing gawa-gawa lamang ito ng kanilang supporter," ani de Guzman.

Dagdag pa ng labor leader, kalokohan ang alegasyon ni Atty. Vic Rodriguez na nagmula ang video na ito sa kampo ni Robredo. Aniya, bakit naman daw nila gagawin ang ganoong 'kawalang-hiyaan' sa kanilang sinusuportahan?

Kasabay ng pagkondena ni de Guzman ay ang kanyang panawagan sa kahat ng kandidato na itaas ang diskurso upang masolusyunan ang krisis sa kalusugan, kabuhayan, klima, at karapatan.

Gayundin ang panawagan niya na turuan ang mga botante na tumimbang sa plataporma at track record ng mga partido't kandidato, imbes na nakatuon sila sa personalismo at sa pansariling kapakinabangan.

Aniya, "Labanan ang kasinungalingan, kababuyan, at kababawan!"

Kasabay ng pagkondena ni de Guzman, umaksyon na rin ang Department of Justice Office of Cybercrime (OOC) ukol sa isyu at sinabing hahabulin nila ang mga responsable sa pagpapakalat online ng nasabing pekeng sex video.

BASAHIN: DOJ, nag-iimbestiga na kontra sa pekeng 'sex video' ng panganay ni Robredo

"Our investigation agents are on it. If it needs further investigation, we will endorse the same to the NBI (National Bureau of Investigation) Cybercrime Division," ani OOC Officer-in-Charge, Charito Zamora, sa isang text message na ipinasa sa mga media.