May panawagan si presidential candidate Ka Leody De Guzman sa mga pumasa sa Bar exams o sa mga bagong abogado ng bansa.
Ayon sa kaniyang latest tweet nitong Abril 13, 2022, nagpaabot siya ng pagbati sa lahat ng mga nakapasa sa Bar, subalit hinamon din niya na pagsilbihan ang mga 'aping uri'.
"Sa lahat ng pumasa ng Bar exams, Mabuhay, magbunyi!" aniya.
"Higit doon, nais ko kayong anyayahan na magsilbi sa mga aping uri. Kung meron man akong sentral na mensahe sa pagtakbo ko, ito ay ang ligalisasyon ng pagsasamantala sa manggagawa, kailangan kayo ng manggagawang Pilipino."
8,241 ang pumasa sa 2020-2021 Bar Examinations, ayon sa ulat ng Korte Suprema nitong Martes, Abril 12. Sa bilang na ito, 761 exemplary passers ang nakakuha ng iskor na 85-90%.
"Mas dumami ang ating mga abogado. Mas maganda ito para sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayo mga bagong passers ng ating Bar examinations. Congratulations," pagbati ni Malacañang spokesperson Martin Andanar sa ginanap na press briefing.