Sinabi ni presidential aspirant Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso nitong Martes, Abril 12, na hindi siya nasaktan sa paglipat ng kaniyang mga volunteers sa kay Vice President Leni Robredo.

“Hindi naman. Sanay ako na may tibo sa kalsada, may pako, may graba na pag nadapa ka nagagalusan ka. What matters most is that bawat dapa mo babangon ka," sabi niya sa isang ambush interview.

“That’s what you called politics,” dagdag pa niya.

Nitong Lunes, Abril 11, nagpahayag ng suporta ang Ikaw Muna Pilipinas kay Robredo.

“These are the same person, personality from last week. Ang sinasabi nila they hate Marcos Jr. Nirerespeto ko ang opinyon nila. Hindi ako tumakbo para awayin o kamuhian si Leni Robredo, si Ferdinand Marcos Jr., si Ping Lacson, si Manny Pacquiao. Hindi ko sila kaaway,” anang alkalde

Sinabi rin ni Domagoso na hindi nakipag-usap sa kanya ang mga grupo bago i-urong ang kanilang suporta sa kanyang presidential bid.

“Did they talk to me? No,” ani Isko.

Nang tanungin kung ano ang naramdaman niya: “Demokrasya to eh. They can do whatever they want to do. They are entitled to their opinion."

“I wish them good luck. It’s a test of character,” dagdag pa niya.

Nanindigan din si Domagoso na ang paglilipat ay hindi nakaapekto sa kanyang kampanya.

“Itong mga taong to wala sa akin noong araw. Kaya kung sila ay mawala ngayon, walang bago sa buhay ko," aniya.

Ayon pa kay Domagoso, nais lamang ng ibang mga kampo na lumikha ng impression at perception na nawawalan siya ng suporta sa pamamagitan ng pag-atras ng kanyang mga volunteer groups.

“Yan ang habol ng kumukuha sa kanila. It’s always about impression and perception. Kasi ‘yun lang kaya nilang gawin."

Gayunman, iginiit ni Domagoso na tumakbo siya sa pagkapangulo upang tumulong sa pagresolba sa mga problema ng mamamayang Pilipino.

Dagdag pa niya: “Give me a chance. I will heal the country. Wala akong kaaway. Ang kaaway ko, yung hirap na dinaranas nyo. Ako diretso lang ako. Kung gusto niyo talagang makamove on sa mga buhay natin, we'll make those people liable, pay under the rule of law, hindi ‘yung higantihan."