Hindi makapaniwala ang kandidato sa pagkapangulo na si Senador Panfilo Lacson na nakakuha siya ng dalawang porsyento lamang na voter preference rating surveys, ikalimang puwesto sa sampung kandidato.

Hindi rin makapaniwala ang kanyang running mate na si Senate President Vicente Sotto III.

Parehong naniniwala ang tandem na ang kanilang positibong provincial sorties ay nagtulak sa rating ng survey ni Lacson.

‘’I don’t hear any other candidates na ganun so paanong magiging two? Mula noong December hanggang ngayon hindi nagbago,’’ sabi ng hindi makapaniwalang Senate chief sa naganap na Kapihan ng Samahang Plaridel” forum.

Sinabi ni Lacson na base sa mga reaksyon at mga tugon ‘’that we are getting on the ground, we are satisfied”.

‘’One thing on the survey I can’t really believe that I am only two percent. I can base it in my last election, I got 16.9 million votes,’’ aniya.

‘’Palagay ko naman sa 16.9 merong mga naligaw doon na ako ang number one nila tapos bigang two percent? Assuming 16 million, ibig sabihin ang makukuha kong vote sa May 9, 1.2 million lang? Parang hindi ako makapaniwala doon, mahirap paniwalaan yun,’’ ani Lacson.

Sa kanyang panig, sinabi ni Sotto na ang resulta ng kanilang mga provincial survey ay lubos na naiiba sa mga survey ng mga institutional survey.

Ang mga survey ay nagpakita ng napakalawak na pangunguna mula kay dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa siyam na iba pang kandidato sa pagkapangulo, kung saan si Bise Presidente Leni Robredo ay nasa pangalawang pwesto. Pangatlo si Manila Mayor Isko Moreno kasunod si Senator Emmanuel Pacquiao. Nasa fifth slot si Lacson.

‘’Of all si Senator Lacson na survey ang hindi kapani-paniwala. Anywhere we go, mga local officials sinasabi sa amin ganito ganun, ang feedback sa tao ganito, ganito. I don’t hear any other candidates na ganun so paanong magiging two percent?” ani Sotto.

‘’After after all the debates, after all the interviews, forum on TV mababawasan pa ako? I don’t think so kasi hindi naman sa pagmamayabang flying colors naman ang performance ko doon,” dagdag niya.

Mario Casayuran