Isang kakaibang kuwentong pambata na naman ang hatid ng premyadong manunulat na si Genaro Gojo Cruz na tiyak na makapagbibigay-kasiyahan at pagkatuto sa mga bata, na pinamagatang 'Alpabeto sa Paraiso'.
Ayon kay Gojo Cruz, may-akda ng iba't ibang mga kuwentong pambata, espesyal ang kuwentong pambatang ito dahil ang anomang mapagbebentahan ay ibibigay bilang tulong sa Sto. Nino Elementary School sa San Isidro, Siargao, Surigao del Norte.
"Isang proyekto ito na naglalayong matulungan ang isang pampublikong paaralan upang makakuha donasyon sa pagpapagawa ng kanilang paaralan. O kaya ay mga kagamitang pang-eskuwela para sa mga batang mag-aaral doon," ani Gojo Cruz.
Matatandaang sinalanta ng bagyong Odette ang Siargao noong Disyembre 2021.
"Isang aklat-pambata ito na pa-alpabeto, na ipinakita ang kagandahan ng Siargao bilang isang isla, at kung paano ito sinira ng bagyong Odette noong Disyembre 16, 2021," paliwanag pa niya hinggil sa aklat.
Kaya naman, kumakatok sa puso ng mga nagnanais na makabasa nito ang may-akda. Sa halagang 70 piso lamang ay maaari nang makapag-avail ng PDF file ng naturang kuwentong pambata.
Pinasalamatan ng may-akda ang miyembro ng team na bumuo rito na kinabibilangan nina Alexandro Maghari, Jhucel Atienza del Rosario, Bing Columna Montenegro, Hareol Tero, John Albert, Gamaliel Paz, Neil Omar Gamos, at JL Sampiano Losabia.
Ang gumuhit ng cover o pabalat ng aklat ay sina Bing Columna Montenegro at Manilyn T. Redondo, ang layout ay si JT Pirmejo, at sina Marites T. Penera at Randy A. Rudil naman ang nagsalin sa wikang Surigaonon.
Tamang-tama na nailabas ang mga kuwentong pambatang ito ngayong Abril, na 'Buwan ng Panitikang Filipino'.
Makipag-ugnayan lamang sa Facebook account ni Genaro Gojo Cruz para sa mga detalye ng pag-avail ng naturang kuwentong pambata, na malaki ang maitutulong sa mga mag-aaral at guro sa nabanggit na pampublikong paaralan.