Muling magpapatupad ang mga kumpanya ng langis sa bansa ng malaking bawas-presyo sa kanilang produktong petrolyo sa Abril 12, 2022.
Pinangunahan ng Pilipinas Shell, epektibo dakong alas-6:00 ng umaga ng Martes Santo, ang pagtatapyas ng P3.00 sa presyo ng kada litro ng kanyang kerosene, P1.00 sa presyo ng gasolina at P0.35 naman na bawas-presyo sa diesel nito.
Hindi naman nagpahuli ang iba pang kumpanya kabilang ang Seaoil, Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong tapyas-presyo sa kanilang petrolyo.
Ang bagong price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ito na ang ikatlong beses na oil price rollback na ipinatupad ngayong taon.
Sa dalawang linggong oil price rollback sa mga petsang Marso 22 at Abril 5, umabot na sa P13.30 ang ibinaba ng diesel, P10.20 sa kerosene, at P7.75 sa gasolina.