Pinabulaanan ng kampo ni Presidential candidate at Vice President Leni Robredo ang kumakalat na links ng umano’y ‘sex video’ ni Aika Robredo. Ani VP Spokesperson Barry Gutierrez, layon nitong pigilan ang momentum ng kanilang kampanya.
Pinag-aaralan na ng hanay ng mga abogado ni Robredo ang legal na mga rekurso laban sa sinumang nagpakalat ng mga link.
“Links to an alleged sex video are circulating around the twitterverse. This is a malicious fabrication and we have reported it to the platforms concerned para matake-down. Our lawyers are studying our options for legal action,” pahayag ni Gutierrez nitong Lunes, Abril 11.
Dapat umanong tignan ito bilang “distraction” na layong pigilan ang “momentum” ng kampanya ni Robredo. Matatandaang 9% ang itinaas ng kandidato sa pinakahuling Pulse Asia Survey sa pagka-pangulo. Nakakuha si Robredo ng 24% preference rate, pangalawa pa rin habang namamayagpag sa 56% ang matinding karibal nitong si dating senador Bongbong Marcos Jr.
“This is a direct and vile response to the momentum we continue to gain. It won’t yield votes for those who are spreading it,” ani Gutierrrez.
Dagdag ng mouthpiece ni Robredo, “Ang mas malalim na goal ng ganitong tactic, ‘yung manggigil tayo at magwala sa social media. Para awayin natin ang mga tao at hindi tayo maka-convert.”
Kagaya ng isa sa mga linya ng kampanya ni Robredo na, “Radikal ang magmahal,” ito pa rin para kay Gutierrez ang tamang paraan para tugunan ang malisyusong paninira sa pamilya Robredo.
“Kaya nga ang tamang response dito: Hold the line tayo para sa pag-ibig. Be firm but kind sa pagtatama ng disinformation, kahit gaano ito kawalanghiya,” ani Gutierrez.
Sa huli, ipinunto ni Gutierrez na ang pagkapanalo ni Robredo ang mag-uudyok na “ayusin ang sistema, at panagutin ang mga nagkakalat nito.”
Samantala, nanawagan na rin si senatorial aspirant Chel Diokno sa Google na ipatanggal ang mga malisyusong links.
“Ito ang latest script ng kabila, targeting the daughters of VP Leni. Alam nating desperado na sila dahil sa paglakas ni VP, but it takes a special kind of evil to resort to misogynistic attacks against the kids. Ito ba ang uri ng pulitika na gusto natin para sa ating mga anak?” mababasa sa pahayag ni Diokno sa Facebook, Lunes.
Kasalukuyan namang trending topic ngayon sa Twitter ang #ProtectLeniAndFamily na hinaing ng Kakampinks kasunod ng pagpapakalat ng pekeng bidyo.
Sa kanyang Twitter, isang paalala rin ang binitawan ni Robredo.
Aniya, “Best antidote to fake news is the TRUTH. Let us not lose focus. Tuloy tuloy lang ang paggawa ng kabutihan. This was how I survived the last 6 years.”