Ipinahayag ni Ultimate Heartthrob Piolo Pascual na isa siyang certified Kakampink o tagasuporta ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo ngayong Lunes, Abril 11, 2022, sa pamamagitan ng isang video na uploaded sa Instagram at Twitter.

"Si Leni Robredo ang Presidente ko…" saad sa caption ng Instagram post ni Papa Pi ngayong Lunes, Abril 11 ng tanghali. Ibinahagi niya ang isang video message na nagsasaad na si VP Leni ang sinusuportahan niya para sa darating na eleksyon.

"Ang sarap pakinggan ng salitang pagkakaisa no? Pero mas masarap siyang maranasan," saad ni Piolo.

Musika at Kanta

Regine, nakatanggap ng apology letter matapos maetsa-pwera sa billing ng MYX Global

Screengrab mula sa IG/Piolo Pascual

"Mahirap at mayaman, babae at lalaki, bata at matanda… lahat ay magkakasama. Lahat ay isinasantabi ang pagkakaiba para magkaroon ng ambag sa bayan. Parang noong simula ng pandemya at nagkakanda-ubusan ng PPE sets para sa ating mga frontliners, mga nagkakaisang Pilipino ang nag-ambagan para mabilis na maaksyunan ang kakulangan."

"Sa punto ng buhay at kamatayan, ang pagkakaisa natin ang nagbibigay ng tatag at pag-asa kaya marami tayong nagagawa. Hindi para sa sarili kundi para sa kapwa. Ganito ang itsura ng totoong unity," saad pa ni Piolo.

"Naka-attend ka na ba ng rally ni Leni Robredo? Ganito rin kasi ang pagkakaisang nangyayari eh. Mga magsasakang naglalakad para makarating sa venue, mga volunteers na gumagastos ng sariling pera para mangampanya, mga nanay na kasama ang mga anak nila sa laban. Mga senior citizen na hindi na iniinda ang mga sakit, dahil ang kampanyang ito ay hindi na tungkol sa iisang pamilya o kandidato, kundi para sa Pilipinas na gusto nilang ipamana sa ating lahat."

"Ang totoong pagkakaisa ay isang pangako na walang maiiwan, lahat tayo magkakasabay na humahakbang para sa pangarap na lipunan, at ang totoong pagkakaisa ay inspirasyon at panawagan na tayong lahat ay gumawa ng kabutihan. Ang sarap ng ganyang klase ng pagkakaisa! Ramdam mong malayo ang mararating nating lahat!"

"Sure ako, totoong malalim ang unity ng mga Pilipino, kung tapat, mahusay at mabuti ang namumuno. Hindi ito yung pagkakaisa ng mga political dynasty para sa sarili nilang interes. Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taumbayan. Pilipino para sa kapwa Pilipino. Iisa lang ang taong nagpakita at nakapagparamdam niyan sa atin sa loob ng napakaraming taon. Si Leni Robredo lang."

"At si Leni Robredo lang ang tanging iboboto kong pangulo ngayong eleksyon," pahayag pa ni Piolo.

Noong nakaraan ay usap-usapan na naispatan umano si Piolo sa isang sortie ng partylist na may koneksyon sa UniTeam. Ito ang unang beses na binasag ni Piolo ang kaniyang katahimikan tungkol sa sinusuportahang kandidato.