Inihayag ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes na patuloy na tumatanggap ang Manila COVID-19 Field Hospital ng mga pasyente hanggang sa ngayon.
Ayon kay Moreno, base sa ulat mula kay Manila Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang in charge sa health cluster ng lokal na pamahalaan, sa kasalukuyan ay mayroong 39 na COVID-19 patients na ginagamot ngayon sa naturang ospital, na pinamumunuan ni hospital director Dr. Arlene Dominguez.
Sinabi ni Lacuna kay Moreno, na base sa report ni Dominguez, karamihan sa mga pasyente na tinatanggap ng pagamutan ay mula sa Bureau of Quarantine (BoQ) at sa Tondo Medical Center, na nasa ilalim ng national government.
Ang BoQ umano ang nagdadala sa pagamutan ng mga bagong dating na Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 matapos na lumapag sa mga paliparan at ang mga ito ay ginagamot ng libre doon, maging sila may ay taga-Maynila o hindi.
Kaugnay nito, muli rin namang hiniling nina Moreno at Lacuna sa National Parks Development Committee (NPDC) na pahintulutan pa ang pananatili ng field hospital sa Burnham Green area sa Luneta hanggang sa katapusan ng taon, dahil hindi pa naman tapos ang pandemya ng COVID-19.
“Sinulatan kami ng NPDC to dismantle.Nakikiusap kami na bigyan kami ng elbow room for six months kasi hindi natin masasabi kung tapos na ang COVID. While we all agree na medyo na-manage na ang COVID, but also, at the sametime, we have to remember that COVID infections started with just one and we still have a few thousandsin the country,” anang alkalde.
“Dapat talagang i-retain ang COVID hospital at least up to the end of this year. Siyempre, baka may possible surges pa,” pahayag naman ni Lacuna.