Tinaguriang “Queen of Online Bardagulan” ng kaniyang followers, isang netizen naman ang sumita sa istilo ni dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon.
Viral ang mga banat ni Guanzon sa ilang kritiko at bashers sa kanilang active online interactions lalo na sa Facebook. Ang dating komisyoner, walang pinapatos at pinapatulan ang sinumang pumupuna sa kanyang paniniwala.
Kamakailan, isang screengrab ng komento ang nag-viral sa Facebook matapos tawagin si Guanzon na isang “bastos” na anang netizen, wala pa ring silbi at katumbas ng “walang pinag-aralan.”
Kilala si Guanzon sa kanyang makulay na academic track records at higit dalawang dekadang pagsisilbi sa gobyerno.
“May degree ka nga, bastos ka naman at mapanira ng kapwa. Para pa ring walang pinag-aralan,” saad ng netizen.
Pagpatol ni Guanzon, “May degree ka nga pero sumusuporta ka naman sa magnanakaw, tax evader, and walang degree. Nasaan ang pinag-aralan?”
Maaalalang kilala si Guanzon sa mga hirit at pasaring nito kay Presidential candidate at dating senador na si Bongbong Marcos Jr. na hinatulan niyang disqualified sa kasong inihain sa COMELEC noong siya pa ay isang komisyoner.
Sa kanyang panayam sa talent manager na si Ogie Diaz noong Pebrero, aminadong pinalaki ng kanyang mga magulang na matapang at may paninindigan si Guanzon.
Gayunpaman, ang kanyang pagyayabang umano sa kanyang academic track record ay para lang depensahan ang kanyang sarili sa mga online bashers.
Matagumpay na tinapos ni Guanzon ang dalawa sa pinakamahihirap na programa sa UP, ang Economics at Law, kung saan ginawaran siya ng Dean’s Medal matapos maging Rank 6 sa pinakamahuhusay na graduate ng kanilang class.
Kilalang masugid na tagasuporta ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at running mate nitong si Sen. Kiko Pangilinan si Guanzon. Aktibo rin niyang ikinakampaya ang P3PWD Partylist.