Gagawin ng nationwide ng Department of Transportation (DOTr) ang ipinagkakaloob nilang libreng sakay sa mga mamamayan, sa ilalim ng ikatlong bahagi ng kanilang Service Contracting Program (SCP).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na ang inisyatiba ng libreng sakay sa mga public utility vehicles (PUVs) gaya ng modern at traditional jeepneys, UV Express, at mga bus ay pormal nang nagsimula nitong Lunes.
Umarangkada na aniya ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel route na agad na pinilahan at labis namang ikinatuwa ng mga commuters.
Tiniyak naman ni Pastor na ngayong linggo ring ito ay bubuksan na rin nila ang iba pang ruta sa buong bansa.
“Itong linggo na rin ito, ila-launch na rin natin, iro-rollout natin itong iba’t ibang mga ruta sa buong bansa. Under the Service Contracting Program, makakaasa po ang ating mga kababayan na babalik itong libreng sakay hindi lang sa National Capital Region kundi sa Luzon, Visayas, at sa Mindanao,” pagtiyak pa ni Pastor.
Ayon kay Pastor, ang daily operational cost ng mga kalahok na PUV drivers ay babayaran ng gobyerno.
Aniya, ang programa ay mayroong budget na P7 bilyon sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, sakop ang inisyal na 515 buses mula sa 532 units na rehistrado sa programa.
“Ito ay epektibo hanggang meron kaming pondo. Kami ay naglaan ng P7 billion at ito ay uubusin natin upang masigurado natin ang kinikita ng ating drivers at operators at makakatipid ang ating mga kababayan sa paggastos sa transportasyon,” dagdag pa niya.
Inanunsyo na rin ng DOTr na mas malaki ang contract prices kada kilometro na ipagkakaloob nila ngayon sa mga drivers sa ilalim ng programa, bilang konsiderasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi pa ni Pastor na sa ilalim ng programa, ang mga bus drivers sa EDSA busway ay tatanggap ng gross contract per kilometer na P84 kada kilometro mula sa dating P82.50 lamang.
Samantala, tatanggap naman ng P55 mula sa dating P54 kada kilometro lamang ang mga jeepney drivers at iba pang bus drivers.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga PUV operators at drivers na lalahok sa naturang libreng sakay program ng pamahalaan ay makakatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa bilang ng kilometro na ibiniyahe nila sa loob ng isang linggo, may pasahero man sila o wala.
Ang unang biyahe sa EDSA Busway Carousel ay nakatakda ng alas-4:00 ng madaling araw habang ang huling biyahe naman ay alas-11:00 ng gabi.