Hiniling ng Akbayan party-list sa gobyerno na kumpiskahin ang mga bank accounts ng pamilya Marcos bilang kabayaran ng ₱203 bilyong estate tax ng mga ito.
Nilinaw ng Akbayan, ito lamang ang tanging paraan ng Department of Finance (DOF) upang makabawi ang pamahalaan sa bilyun-bilyong buwis ng pamilya Marcos.
"Huwag po nating payagan na ang ordinaryong mamamayan may deadline pero ang Marcoses laging nakakalusot," giit ni Akbayan party-list nominee Percy Cendaña.
Kabilang sa pinakukumpiska ang bank accounts nina Senator Imee Marcos, dating Senator Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Irene Marcos, at Imelda Marcos.
Dahil sa apela ng Akbayan, napilitang lumabas ng opisina si Finance Undersecretary Didith Tan at hinarap ang grupo ng nagpoprotesta sa harap ng gusali ng DOF sa Maynila nitong Lunes.
Nangako si Tan na aaksyunan nila ang usapin.
Noong 1991, nadiskubre ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umabot na sa ₱23 bilyon ang buwis ng pamilya hanggang sa umabot ng ₱203 bilyon dahil na rin sa interest at multa nito.