CEBU CITY - Tinatayang aabot sa ₱15 milyong halaga ng tanim na marijuana ang nasamsam at winasak ng pulisya sa bulubunduking barangay ng lungsod kamakailan.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang taniman ng marijuana sa Brgy. Adlaon nitong Abril 9, ayon kay Cebu City Police Office (CCPO) Mobile Force Company commander Lt. Col. Chuck Barandog.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng mga tauhan ng CCPO-Drug Enforcement Unit, Intelligence Unit, Station 8 at Naval Forces Central.
Aniya, nag-ugat ang pagkakadiskubre ng taniman ng marijuana nang paigtingin nila ang kampanya laban sa loose firearms o mga iligal na baril.
"Significant number of loose firearms were surrendered and during those operations, we were tipped off by barangay officials and residents that there was a marijuana plantation in the barangay," ayon kay Barandog.
Matapos bunutin, kaagad na sinunog ang mga marijuana upang hindi na mapakinabangan.
Calvin Cordova