CEBU CITY - Naniniwala si senatorial candidate Herbert Bautista na malaking tulong sa kanyang kampanya ang puna sa kanya ni Kris Aquino na, "huwag niyo iboto 'ex' ko" kamakailan.
Kahit walang binanggit na pangalan, batid na ng publiko na si Bautista ang tinutukoy ng aktres.
“Oh, ‘wag niyo iboto ‘yon ah, Sayang ang boto dahil hindi marunong tumupad sa mga pinangako. Dedma please!” sabi ni Aquino nang dumalo sa isang campaign sortie ni Vice President Leni Robredo at ng katambal na si Senator Kiko Pangilinan sa Tarlac noong Marso 23.
“It was assumed by the media that it was me. But for me, her statement helped me even more. It resulted additional awareness,” paliwanag ni Bautista sa isang pulong balitaan sa nasabing lungsod nitong Linggo.
Aminado naman si Bautista na marami ang hindi nakaaalam na kumakandidato siya sa pagka-senador kaya ang naging pahayag ni Aquino ay pumapabor aniya sa kanya.
Sa kabila nito aniya, patuloy pa rn siyang nakakakuha ng suporta sa kabila ng nasabing puna ni Aquino.
Kabilang si Bautista sa tumatakbong senador sa Uniteam ticket nina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.
Ibinahagi rin ni Bautistat ang isa sa kanilang campaign sorties sa Bukidnon kung saan isinisigaw ng mga tao na,"'wag kang mag-alala, iboboto ka pa rin namin, ex! ex!
Minaliit din nito ang survey ng Pulse Asia kung saan hindi ito kabilang sa Top 12.
Calvin Cordova