Pamilyar na linya ang ginamit ng komedyante na si Bayani Agbayani, isa sa mga libu-libong sumuong sa matinding ulan sa naganap na grand rally ng UniTeam sa Tacloban City sa Leyte, nitong Sabado, Abril 9.

Kahit na nakataas ang Signal No. 1 sa isla ng Leyte dahil sa Bagyong Agaton nitong Sabado, hindi nagpatinag ang mga Waraynon sa Tacloban City at karatig na mga lugar. Ipinamalas ng rehiyon ang buong-suporta sa tandem nina Presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. at running mate nitong si Davao Mayor Inday Sara Duterte.

Jam-packed ang grand stand ng lungsod sa kabila ng matinding pag-ulan at putik sa venue. Ilang mga tagasuporta rin ang makikita sa online broadcast na nawalan ng malay sa kasagsagan ng programa.

Sa kabila nito, ayon sa pagtatala ng lokal na pulisya, umabot sa 120,000 na mga tagasuporta ang sumuong sa bagyo para lang masilayan si Marcos Jr.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Screengrab mula Facebook live/Bongbong Marcos via Facebook

Kilalang baluwarte ng mga Marcos ang Leyte bilang tahanan ito ni dating first lady Imelda Marcos. Noong 2016, naipanalo ni Marcos ang Eastern Visayas sa manipis na lamang na 38,000 na boto sa karibal niya noon na si Vice President Leni Robredo.

Inaasahan naman ng kampo ni Marcos na muling ipapanalo ng rehiyon ang kandidatura nito.

Samantala, hindi naman napigilang humirit ng komedyante at host na si Bayani Agbayani na pinabulaanan ang umano’y tawag sa mga tagasuporta ng UniTeam. “Sabi nila sibuyas daw kayo?” hirit ng komedyante sa gitna ng programa.

Sunod na ipinasigaw ni Bayani sa audience ang sagot na, “Hindi kami sibuyas. Tao kami!”

Ang linya ay unang ibinato ng mga kritiko ng Kakampinks ni Roredo kasunod ng mga drone shots sa kabi-kabilang grand rallies nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Iginiit din ni Bayani na “hindi bayad” ang mga tagasuportang sumasadya sa rallies ng UniTeam.

Sa pagtitipon, muling ipinunto ni Marcos Jr. ang hangad nitong “pagakakaisa.” Hindi naman nakarating sa pagtitipon ang running mate ni Marcos Jr. na si Inday Sara dahil sa paglilibot nito sa Pampanga nito ring Sabado.

Ang Leyte ay mayroong 1.3 milyong botante, at ika-14 na vote-rich province sa bansa.