Umaapela sina Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno at mayoral candidate, Vice Mayor Honey Lacuna sa National Parks Development Committee (NPDC) na pahintulutan pa ang Manila COVID-19 Field Hospital na manatili sa lokasyon nito sa loob ng anim na buwan, partikular na ngayong nagbabala na ang pamahalaan na maaaring magkaroong muli ng surge ng COVID-19 sa mga susunod na buwan dahil na rin sa pagdaraos ng malalaking okasyon sa bansa, na kinabibilangan ng Ramadan, Holy Week at May 9 elections.

Ang apela ay ginawa ng alkalde nitong Linggo, Abril 10 matapos na makatanggap ng liham mula sa NPDC na humihiling na alisin na nila ang naturang field hospital, na itinayo sa Burnham Green area sa Luneta Park.

“Sinulatan kami ng NPDC to dismantle. Nakikiusap kami na bigyan kami ng elbow room for six months kasi hindi natin masasabi kung tapos na ang COVID,” ayon pa sa alkalde.

Dagdag pa niya, “While we all agree na medyo na-manage na ang COVID, but also, at the same time, we have to remember that COVID infections started with just one and we still have a few thousands in the country.”

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Binigyang-diin ng alkalde na ang pagtatayo ng isang gusali gaya ng COVID hospital, na ikapitong pagamutan na inu-operate ng Manila City government, sa ilalim ng directorship ni Dr. Arlene Dominguez, ay hindi madaling gawain.

“Kaya ako nakikiusap kung pwede ng i-extend muna ang paggamit ng lote ng Burnham Green para handa pa rin tayo, parang Boy Scout na laging handa,”anangalkalde.

Iginiit ng alkalde na ang naturang field hospital ay maaari pang makapagligtas ng buhay, “and even if we are talking about just one, life is life, ang bawat buhay ay mahalaga.”

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Lacuna, na siyang nangunguna sa health cluster ng Manila government, na base sa ulat ni Dominguez, ang naturang pagamutan ay patuloy na nagkakaroon ng pasyente at hindi pa nakapagtala ng zero occupancy simula nang buksan ito noong Hunyo, 2021.

“Dapat talagang i-retain ang COVID hospital at least up to the end of this year. Siyempre, baka may possible surges pa,” pahayag pa ni Lacuna.

Binanggit rin ni Lacuna, na isa ring doktor, ang mga ulat na ng bagong variants ng COVID-19 na lumilitaw o maaaring lumitaw pa, sa kabila nang pagbaba na ng mga aktibong kaso sa bansa.

Nabatid na ang field hospital ay may mga pasyenteng mula sa anim na city-owned hospitals, na pawang COVID-19 patients na klasipikado bilang mild at moderate cases.

Itinayo ito ng lokal na pamahalaan, sa layuning ma-declog ang regular city-run hospitals sa COVID-19 cases upang mapagtuunan nila ng pansin ang mga pasyenteng may seryoso o kritikal na kaso.

Mayroon itong kabuuang 344 beds at mga equipment at pasilidad gaya ng oxygen tanks, ambulansya, at medical frontliners, upang kaagad na maaksiyunan ang mga pasyenteng may moderate symptoms sakaling maging severe o kritikal ang lagay ng mga ito.